Pangulong Duterte, bumuo ng komite para makipag-dayalogo sa Simbahang Katolika

Pangulong Duterte, bumuo ng komite para makipag-dayalogo sa Simbahang Katolika

June 26, 2018 @ 3:00 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Matapos ulanin ng bira ng iba’t ibang sektor dahil sa pangi-insulto nito sa Diyos ay nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bumuo ng three-man committee na makikipag-dayalogo sa Simbahang Katolika.

Sa press briefing sa Presidential Guest House in Panacan, Davao ay inanunsyo ni Sec. Roque na itinalaga siya ni Pangulong Duterte, kasama sina political strategist and self-proclaimed civic leader Pastor “Boy” Saycon at ang dating Evangelist at ngayon ay DFA Usec. Ernesto Abella na bubuo sa nasabing komite.

“I would be lying if I were to say it has absolutely no relation. Meron sigurong relasyon din iyan at ninanais din naman ng Presidente dahil parehong kabahagi ng lipunang Pilipino ang simbahan at ang gobyerno. Siguro po, walang mawawala kung mas mabuti ang samahan sa panig ng Simbahan at ng gobyerno,” ayon kay Sec. Roque.

Si Saycon ang naatasan na makipag-ugnayan na sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) habang sinabi ni Roque na siya ang makikipag-ugnayan sa Philippine Council of Evangelical Churches o (PCEC).

Sinabi ni Sec. Roque na hindi lamang sa Simbahang Katolika sila makikipag-dayalogo kundi maging sa lahat ng grupo na nais na magkaroon ng dayalogo sa panig ng gobyerno.

“Syempre po unahin natin sa Simbahang Katolika, bagama’t bukas din po ang pinto para sa mga born-again Churches,” aniya pa rin.

Ang desisyon ng Pangulo na makipag-dayalogo sa Simbahang Katolika ay tugon sa panawagan ng Philippine Council for Evangelical Churches na magkaroon ng dayalogo nang mabawasan ang maaanghang na salita sa panig ng Simbahan at ng gobyerno.

At sumang-ayon naman aniya ang Pangulo rito.

Sa tanong naman kung anong klaseng dayalogo ay sinabi ni Sec. Roque na pagkakasunduan aniya ito ng gobyerno at ng iba’t ibang simbahan.

Posibleng ang maging tema aniya ng mga pagu-usap ay kung paano mabawasan ang hidwaan sa pagitan ng gobyerno at ng Simbahan.

Batid aniya na mayroong separation of church and state at hindi aniya kinakailangan na makipagdayalogo subalit minabuti aniya ng pangulo na buksan ang proseso ng dayalogo sa Simbahang Katolika.

“So, hayaan po natin na ang agenda ay ma-define ng mga simbahan at ng gobyerno as the dialogue proceeds,” ani Sec. Roque.

At kung kailan naman aniya magsisimula ang dayalogo sa pagitan ng Simbahang Katolika at gobyerno ay sinabi ni Sec. Roque na kokontakin muna nila ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) upang ipaalam ang binuong three-man committee at ang kagustuhan ng pamahalaan na magkaroon ng dayalogo rito. (Kris Jose)