Pangulong Duterte, byaheng Israel sa Setyembre

Pangulong Duterte, byaheng Israel sa Setyembre

July 25, 2018 @ 4:52 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Roa  Duterte  ang bansang Israel.

Sa buwan ng Setyembre ayon kay Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ay nakatakdang bumiyahe ang Pangulo sa Jewish state.

Si Pangulong Duterte ang kauna-unahang Philippine leader  na bibisita sa nasabing bansa.

Aniya, isinasasapinal pa ng dalawang bansa ang eksaktong petsa ng magiging pagbisita ng Pangulo sa Israel.

“There will still be a joint official announcement po on the dates on September,” ayon kay Go.

Unang itinakda ang pagbisita sana ni Pangulong Duterte sa Israel noong Mayo ng nakaraang taon subalit kinansela dahil sa Marawi siege.

Sa ulat, lumabas naman sa Israeli online news site na The Times of Israel  na kinumpirma ng isang Israeli official ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Israel.

Nakatakdang lagdaan ng Chief Executive ang kasunduan para sa mga filipino na nagbigay ng long-term care sa Israel, at pakikipaglaban sa drug trade.

Tatalakayin din ng Pangulo kasama ang mga Israeli officials ang pagtatatag ng direct flight route sa pagitan ng Israel at Pilipinas, agricultural cooperation at security deals.

Matatandaang sinakloban ng kontrobersya si Pangulong Duterte noong September 2016 nang ikumpara nito ang kanyang sarili kay Adolf Hitler.

Sinabi nito na magiging masaya siya kung papatay siya ng 3 milyong drug addicts gaya nang ginawa ng Nazi leader sa mga Jews.

Humingi naman ng paumanhin si Pangulong Duterte sa synagogue dahil sa kanyang naging pahayag.

Samantala, posibleng sa buwan naman ng Oktubre ang byaheng Kuwait ni Pangulong Duterte.

Depende aniya ito sa  availability ni Kuwaiti Emir Sabah Al Ahmad Al Jaber. (Kris Jose)