Pangulong Duterte, handang magpadala ng warship sa Libya

Pangulong Duterte, handang magpadala ng warship sa Libya

August 4, 2018 @ 8:21 AM 5 years ago


Manila, Philippines – Kaagad na magpapadala si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng warships sa Libya, sa oras na saktan ng mga pirata ang tatlong Pilipino na dinukot sa naturang bansa.

Sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa Bukidnon para sa inagurasyon ng Northern Mindanao Wellness and Reintegration Center ay sinabi nito na babanggitin  niya sa command conference sa Agosto 7 ang ideya ng pagpapadala ng warships sa Libya.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na  hindi siya nagbibiro dahil handa siyang magpadala ng “frigate” o iba’t ibang uri ng warships kapag nasaktan ang mga bihag na Pinoy.

Sa ulat, nauna nang nagpadala ang South Korea ng barko nila sa Libya, upang masaklolohan ang isang kababayan nila na binihag din kasama ang tatlong Pilipino.

Tiniyak naman ng Department of Foreign Affairs o DFA sa mga kaanak ng tatlong nakidnap na Filipino engineers na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang masiguro ang kaligtasan at kalayaan ng mga ito. (Kris Jose)