Pangulong Duterte, hinamon ang ABS-CBN

Pangulong Duterte, hinamon ang ABS-CBN

August 4, 2018 @ 8:34 AM 5 years ago


Manila, Philippines – Matapang na hinamon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang television network na ABS-CBN na samahan siyang magtungo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang buksan ang kanyang bank account.

Sa naging talumpati ni Pangulong Duterte  sa inagurasyon ng Northern Mindanao Wellness and Reintegration Center sa Malaybalay, Bukidnon ay muli niyang inulit na magbibitiw siya sa pwesto kapag lumampas sa P40 million ang laman ng kanyang bank account.

“I am challenging ABS-CBN, magpunta kami sa Central Bank and I will ask the governor to open my account. I will not give it to the son of a b*tch na kalaban ko,” ayon sa Chief Executive.

At kung  hindi naman aniya lalampas sa P40 million ang sinasabing laman ng kanyang bank account ay papipilahin niya ang kanyang mga kritiko at pagsasampalin isa-isa.

“This is a challenge which I am hurling at you now. If my bank account exceeds 40 million, I will step down. Pero, pag hindi umabot ng 40 million, maglinya kayo lahat at sasampalin ko kayo isa-isa. Akala ninyo kasi lahat ng tao magnanakaw,” diing pahayag ni  Pangulong Duterte.

Hndi niya aniya ipauubaya sa kanyang kaaway ang pagbubukas sa bank account.

Magugunitang makailang beses na hinikayat ni Sen. Antonio Trillanes IV  ang Pangulo na lumagda sa isang waiver para mabuksan ang kanyang bank accounts.

Ipinakalat ng senador ang espekulasyon na may halos P1 bilyong halaga ng transaksiyon si Duterte sa kanyang mga bank accounts. (Kris Jose)