Pangulong Duterte, hinamon ang mga kritiko na kuwestiyunin sa SC ang legalidad ng anti-tambay campaign

Pangulong Duterte, hinamon ang mga kritiko na kuwestiyunin sa SC ang legalidad ng anti-tambay campaign

June 23, 2018 @ 9:57 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Hinamon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang mga kritiko na kuwestiyunin sa Korte Suprema ang legalidad ng kanyang kautusan na hulihin ang mga tambay sa lansangan.

Pinatamaan ng Pangulo ang ilang senador at Commission on Human Rights (CHR) na walang habas na pinupuna ang kanyang polisiya.

“If you are unruly, talagang sabihin ko ‘uwi ka o hindi arestado ka,’ that is a police power of the state. Let them contest it sa Supreme Court. Bawalan niyo ako? Sige. Larga kayong lahat. Lahat ng gustong mamasyal. Lahat ng holdaper sige lumabas kayo. Bigyan ko kayo until the end of the year. Do it. Tingnan natin,” ayon sa Pangulo.

Batid naman ng Punong Ehekutibo na ang pagtambay ay hindi krimen subalit ang pagtambay na may kasamang pag-inom ng alak at paninigarilyo sa kalsada ay kailangang mahinto.

“I never said arrested but if you are drinking diyan sa alley, yung mga squatters area, if you are there making a sala out of the road there. Huhulihin talaga,” anito sabay sabing “Para malaman ng mga ulol na constitutionalists na ito loitering is not a crime. Of course, it is not.”

Pinayuhan din niya ang lahat na rebisahin ang kanyang mga sinabi sa mga uniformed personnel noong Hunyo 13 nang magbigay siya ng kautusan na arestuhin ang lahat ng tambay sa lansangan.

“Why don’t you at least listen o i-rewind mo yung anong sinabi ko? Sinabi ko, ‘You go home. Do not congregate,'” ayon sa Chief Executive.

Responsibilidad naman ng mga magulang na payuhan ang kanilang mga anak na menor de edad na huwag nang magpagala-gala sa daan.

Samantala, bukod sa tambay ay hinuhuli rin ng mga pulis ang taong shirtless na nasa labas ng kanilang tahanan. (Kris Jose)