Pangulong Duterte, hindi bumibitiw na maisulong ang infra-projects at peace development sa Mindanao

Pangulong Duterte, hindi bumibitiw na maisulong ang infra-projects at peace development sa Mindanao

July 21, 2018 @ 10:21 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Hindi talaga bumibitiw si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mapagtagumpayan ang infrastructure projects at peace development sa rehiyon ng Mindanao.

Nananatiling mga top priority ni Pangulong Duterte ang mga ito.
“Hindi katulad ng dati, sa panahon ni Pangulong Duterte, kayo ngayon ang priority,” ayon kay Special Assistant to the President (SAP) Bong Go.

Isinapubliko ni Go ang ilang projects na ginagawa na ngayon sa rehiyon gaya ng Mindanao Railway project na magpapaiksi sa travel time mula Tagum City sa Davao del Norte patungong Digos City sa Davao del Sur.

Mula sa kasalukuyang tatlong oras na byahe ay magiging isang oras at 30 minuto na lamang aniya ito.

Ang iba pang itinuturinig na ‘big ticket projects’ para sa Mindanao ay ang P5.4 billion Malitubog-Maridagao Irrigation project sa North Cotabato; P98 billion Mindanao Logistics Infrastructure Network, at ang P21 billion Improving Growth Sectors sa Mindanao Road Sector Project.

Naniniwala aniya ang maraming analyst na magiging magaan ang negosyo sa rehiyon kapag mabilis na napalawig ang ekonomiya sa Mindanao sa ilalim ng Duterte administration.

Magiging makatotohanan ang lahat ng ito sa oras na opisyal na naikasa na ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Magiging instrumento rin ito para sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Sinabi ni Go na tutulong siya na maging matagumpay ang Organic Law for the Bangsamoro sa oras na maratipikahan ito sa pamamagitan ng plebesito.

Aniya, humingi sa kanya ng suporta ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa pagpapasa ng BBL.

“If it would help foster lasting peace in Mindanao, why not? The Moro people have been waiting for (BBL) for so long. personally masaya ako na officially napasa na ito matagal rin nilang hinintay ito,” ayon kay Go.

Nitong nakaraang Miyerkules ay inaprubahan ng Bicameral Conference Committee ang Organic Law for the Bangsamoro matapos ang anim na araw na deliberasyon ng Senado at Kongreso bitbit ang kani-kanilang bersyon ng BBL.

Samantala, nagbigay naman ng talumpati si Go sa mga miyembro ng bagong tatag na Hugpong ng Pagbabago sa Pantukan municipality, Compostela Valley province. (Kris Jose)