Pangulong Duterte, hindi magpapalawig ng termino kahit matuloy ang federal form of government

Pangulong Duterte, hindi magpapalawig ng termino kahit matuloy ang federal form of government

July 7, 2018 @ 11:11 AM 5 years ago


Manila, Philippines – Handang bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon sakaling maaprubahan na ang isinusulong na federal form of government.

Ito ang iginiit ng pangulo at sinabing mas gusto niyang tapusin na agad ng kongreso at ng Consultative Committee (Con-Com) ang pagbabago sa draft federal constitution.

Dagdag pa nito, dapat din aniya tapusin na ang kaniyang termino bago pa man mangyari ang transisyon mula sa unitary papunta ng federal form of government.

“Make me stop being President during the transition. In other words, elect a president before you make the transition from the unitary to federal,”pahayag ng pangulo.

Wala rin aniyang problema kung gugustuhin ni Vice President Leni Robredo na maging pangulo kapag nabago na ang konstitusyon at kailangan lang daw na kumbinsihin niya ang kaniyang mga kapartido sa Senado na aprubahan ito.

“So, I urge Congress and Puno to make the final changes, make me president only until next year 2019 and I will accept it, and the ladies, Robredo, you can have it if you want it,” ani Duterte.

Nag-sorry din ang pangulo sa mga nagsasabing mag-eextend siya ng termino sa 2022, “human rights and the opposition, they say, I want to stay beyond 2022? Of course not, sorry to disappoint you, excuse me.”

Matatandaan kinumpirma ng Consultative Committee (Con-Com) na hindi ipinagbabawal sa draft federal constitution ang pagpapalawig ng termino ni Pangulong Duterte.

Pero una nang sinabi ng Malacañang na walang balak ang Pangulong Duterte na manatili sa posisyon pagkatapos ng kanyang termino sa 2022. (Remate News Team)