Pangulong Duterte, inatras ang ‘frigate’ sa Libya

Pangulong Duterte, inatras ang ‘frigate’ sa Libya

August 7, 2018 @ 3:31 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Hindi na magpapadala si Pangulong Rodrigo Duterte ng frigate o warship sa Libya para iligtas ang tatlong Filipino na dinukot ng armadong grupo sa nasabing bansa.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na tinutulan ng mga miyembro ng gabinete ang plano ni Pangulong Duterte na magpadala ng frigate kaya’t nagbago ang desisyon nito.

Sa halip na frigate ay magpapadala na lamang si Pangulong Duterte ng isang high-level delegation o task force na pangungunahan ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano.

Ang grupo aniya ni Sec. Cayetano ang magsasagawa ng negosasyon o hakbang para mailigtas ang mga Filipinong bihag kasama ang isang Korean.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Sec. Cayetano na mayroon ngang high-level team na binubuo ng mga kinatawan mula sa DFA, Department of Labor and Employment o DOLE at iba pang ahensya ng gobyerno na tututok sa pagpapalaya sa mga binihag na Pinoy sa Libya.

Sinabi nito na kasama aniya sa Task Force sina Secretaries Silvestre Bello III, Roy Cimatu, Presidential Adviser of OFWs Abudllah Mamao at Mindanao Development Authority chairman Abul Khayr Alonto.

Ani Sec. Cayetano, nais ng Chief Executive na mapalaya ang tatlong Filipino engineers sa lalong madaling panahon, habang nakikipag-ugnayan na rin aniya ang pamahalaan sa pamilya ng mga biktima. (Kris Jose)