Pangulong Duterte, magkahiwalay na kinausap sina Cong. Alvarez at Arroyo bago ang kanyang SONA

Pangulong Duterte, magkahiwalay na kinausap sina Cong. Alvarez at Arroyo bago ang kanyang SONA

July 24, 2018 @ 3:16 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Kumbinsido si Presidential spokesperson Harry Roque na magkahiwalay na kinausap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sina House Speaker Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo matapos magkaroon ng Kudeta sa Kamara bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Chief Executive.

Aniya, bagama’t wala siya sa holding area kung saan magkahiwalay na kinausap sina Alvarez at Arroyo ay naniniwala siyang nakialam na ang Pangulo para pansamantalang maayos ang gusot ng mga ito at masimulan na ang kanyang SONA.

Sinabi ni Sec. Roque na umalis siya sa holding area kung saan nangyari ang pag-uusap dahil sa pakiramdam niya ay makakalikha lamang siya ng kontrobersiya kapag nanatili siya sa nasabing kuwarto dahil isa siyang dating kongresista at kilala niya ang lahat ng kanyang mga kapuwa mambabatas.

“So, parang mas nakakagulo ako dun kaya ang sabi ni ES (Medialdea) I’ll take it from here. So, umalis na lang ako. So, I really don’t know what transpired there,”aniya pa rin.

Sinabi ni Sec. Roque na ramdam mo ang tension sa lugar na iyon subalit kailangan aniya na mag-behave ang mga ito dahil nandun aniya si Pangulong Duterte.

Hindi aniya siya nagdududa kung talagang kinausap nga ni Pangulong Duterte sina Alvarez at Arroyo.

Ang pag-uusap aniya ay nangyari sa kuwarto ng dating PLLO na mayroon aniyang malaking opisina at mayroong inner office . Sa big office aniya ay nan dun sina Arroyo at ang taga-suporta nito habang sa inner office naman ay nandun sina Alvarez at Pangulong Duterte.

“ I don’t think he  talked to them at the same time. I think, he talked to them one after another. I don’t have idea what they’re talking about,” anito.

Kung anuman aniya ang naging desisyon ng Kongreso parav magkaroon ng bagong liderato ito sa katauhan ni Speaker Arroyo ay handa aniya ang Malakanyang na kilalanin ito.

Kinikilala aniya kasi ng Pangulo ang separation of powers ng Malakanyang at Kongreso at ginagalang ang mga kongresista sa kanilang pagpili ng bagong mamumuno para sa kanila.

Palagi aniyang posisyon ng  Malakanyang na huwag makialam sa kahit na anumang internal matter ng Kongreso.

Handa  naman aniya sila na makipag-trabaho kay Arroyo bilang bagong Speaker of the House.

“We are, of course, able and ready to work with Speaker Arroyo,” aniya pa rin.

Maganda aniya ang relasyon ng Malakanyang kay Speaker Arroyo at ito aniya ay isa sa masigasig na taga-suporta ni Pangulong Duterte noong panahon ng eleksyon.

“we share the same political agenda. So, we foresee absolutely no problems in working with Speaker Arroyo,” ayon kay Sec. Roque. (Kris Jose)