Pangulong Duterte, magpapatawag ng caucus ng PDP- Laban

Pangulong Duterte, magpapatawag ng caucus ng PDP- Laban

July 28, 2018 @ 3:04 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Magpapatawag ng caucus si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng PDP-Laban para mairesolba ang sigalot ng magkaibang paksyon.

Ito ang kinumpirma ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go  matapos niyang maiparating  kay Pangulong Duterte na may nangyaring paghahalal ng mga bagong  opisyal ng partido na pinangunahan ni Ginoong Rogelio Garcia.

Inihayag ni Go na pawang mga supporters ni Pangulong  Duterte ang magkabilang paksyon kaya mahalaga sa pangulo na mapag-isa ang mga ito.

Sinabi ni Go na kahapon lamang niya nalaman na may mga paksyon ang partido nang tawagan siya ng  grupo ni Garcia  para sabihang ihahalal siya bilang  Auditor ng  partido.

Ayon kay Go, noon pang Pebrero 2016 ay itinalaga na siyang auditor nang maluklok ang mga interim officers sa pangunguna ni party President Senator Koko Pimentel habang Chairman naman si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma naman ni Go na kapwa sang-ayon sina Garcia at Pimentel na mag-usap ang  grupo matapos niyang hiwalay na kausapin ang mga ito. (Kris Jose)