Pangulong Duterte, naalarma sa 5.7% inflation rate

Pangulong Duterte, naalarma sa 5.7% inflation rate

August 7, 2018 @ 3:44 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Labis na naalarma si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang ilabas ng Philippine Statistics Authority o PSA na pumalo na sa 5.7% ang inflation rate noong Hunyo, na mataas kumpara sa naitala noong Hunyo na 5.2%.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na  naghahanap na ng solusyon ang economic team ni Pangulong Duterte  kung papaano mapipigil ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ikinokonsidera aniya ng economic managers ng pamahalaan ang mga mitigating measures na ipinapanukala ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na bawasan ang taripa sa ilang food products gayun din ang panukala ni Agriculture Secretary Manny Piñol na lagyan ng SRP o suggested retail price ang mga fish product at zero tariff sa imported fish products.

Sa kabilang dako, nakaumang pa rin  ang banta ni Pangulong Duterte sa mga rice hoarder na gagamitin ang buong puwersa ng batas para pasukin ang mga warehouse ng mga hinihinalang sangkot sa rice hoarding at rice cartel.

Kumbinsido naman ang Malakanyang na ang pagkontrol ng rice cartel sa supply at presyo ng bigas ang isa sa pangunahing dahilan kaya nagkaroon ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa. (Kris Jose)