Pangulong Duterte, naguguluhan kay Spox Roque

Pangulong Duterte, naguguluhan kay Spox Roque

October 12, 2018 @ 9:01 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Naguguluhan na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa atras-abante na planong pagtakbo ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa 2019 elections.

Ani Pangulong Duterte, muli niyang kakausapin si Sec. Roque para sa plano nito sa halalan.

Makailang beses nang nagsabi si Sec. Roque na tatakbo ngunit binabawi nito at nagsasabing tatakbo ulit.

At nang tanungin ng Chief Executive si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ay sinabi nitong mukhang hindi na naman tatakbo si Sec. Roque.

“Kinabukasan sinabi niya (Roque) hindi siya tatakbo. Kinabukasan sinabi niya tatakbo na naman siya. Kanina sabi ni Bong mukhang ‘di tatakbo,” ayon kay Pangulong Duterte.

Aniya, mabuti pa na abutin ng 2021 ang ginagawang pagninilay ni Roque para isapinal nito ang desisyon sa pagtakbo.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na mas kailangan niya si Sec. Roque sa administrasyon at inihayag na hindi ito mananalo sa pagkasenador.

Dahil sa sinabing planong pagtakbo ni Sec. Roque ay agad umanong naisip ng pangulo na gawing bagong presidential spokesperson si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo Jr.

“Sabi niya mag-takbo siya ng Senador. Sabi ko sige. Automatic naisip na ako na Sal, ikaw muna,” ani Pang. Duterte.

Ayon sa Punong Ehekutibo, magiging epektibong tagapagsalita si Panelo.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na pansamantala lamang ang pagiging spokesperson nito dahil siya rin ang Chief Presidential Legal Adviser.

Nauna nang kinumpirma ni Sec. Panelo na siya ang susunod na tagapagsalita ng pangulo.

Wala naman aniyang pagbabago dahil simula pa lamang ng kampanya ni Pangulong Duterte hanggang sa iluklok ito sa pwesto ay siya na ang tagapagsalita nito./Kris Jose