Manila, Philippines – Hindi direktang sinagot ng Malakanyang kung dapat na ngang ibalik ang death penalty sa bansa bunsod ng sunod-sunod na pagpatay sa mga personalidad na sangkot sa illegal na droga.
Ang pinakahuli rito ay ang pagpatay kay Tanauan Mayor Antonio Halili na sinasabing kasama sa narcolist na ibinigay kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote na kilalang administration ally naman ng Chief Executive.
Ang importante ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque ay panindigan ng estado ang obligasyon nito na talagang bigyan ng katarungan ang mga biktima ng pagpatay dahil kung hindi, aniya ay paulit-ulit na mangyayari ang mga patayan na ito.
Kinakailangan din aniya na ibalik talaga ang takot sa puso at isipan ng mga pumapatay.
Aniya, naniniwala ang Punong Ehekutibo sa hatol na bitay o parusang kamatayan lalo na sa mga big time drug offender subalit hindi naman sinabi ni Sec. Roque kung kailangan na ngang buhayin ang death penalty sa bansa.
“The President believes in the death penalty, especially for big time drug offenses ‘no. I think that has been the consistent position of the President,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Samantala, wala pa aniyang balita at wala pa rin aniyang iskedyul kung bibisitahin ni Pangulong Duterte ang burol ni Mayor Bote.
“In fairness, no one is accusing the government for the killing of Mayor Bote because he is an administration ally,” ani Sec. Roque. (Kris Jose)