Pangulong Duterte, nilagdaan na ang ‘national feeding program’

Pangulong Duterte, nilagdaan na ang ‘national feeding program’

July 4, 2018 @ 8:48 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulo Rodrigo Duterte ang pagsasabatas ng implementasyon ng national feeding program para sa mga ‘undernourished children’ o mga batang kulang sa nutrisyon sa mga public day care center, kindergarten, at elementary school.

Ang batas na ito ay tinawag na ‘Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act’, Republic Act No. 11037, na nilagdaan noong June 20.

Inuutusan ng batas na ito ang mga national government upang isagawa ang programa na mayroong tatlong bahagi.

Una ay ang ‘Supplemental Feeding Program for Day Care Children’ kung saan ang mga batang ‘undernourished’ na edad 3-5-anyos sa mga day care centers ay dapat bigyan ng isang fortified meal (pagkain na masustansiya base sa ibibigay na standard ng gobyerno) sa loob ng 120 araw sa isang taon. Ito ay isasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at local government units (LGU).

Ang pangalawa naman ay ang ‘School-based Feeding Program.’ Dito naman nakapaloob ang mga ‘undernourished’ na bata mula sa kindergarten hanggang  Grade 6 kung saan sila rin ay makatatanggap ng fortified meal sa loob ng 120-araw sa isang taon. Ang Department of Education naman ang nakatoka dito.

Panghuli sa mga ito ay ang ‘Milk Feeding Program’, ito naman ay nangangahulugan na dapat isama sa mga ‘fortified meal’ at cycle menu ang mga Fresh milk at fresh milk-based food products. Ito ay dapat isagawa sa koordinasyon ng Department of Agriculture, Philippine Carabao Center, at ng Cooperative Development Authority.

Binigyang diin din ng batas na dapat bigyan ng priyoridad ang mga LGUs, public day care centers, at elementary schools na mayroong pinakamataas na kaso ng ‘undernutrition’ at nutrient-deficiency sa mga batang nasa edad 3 pataas.

Bibigyan rin ng priyoridad ang mga may kakayahan at pasilidad upang maisagawa ang nasabing feeding program pati na ang mga LGU na maaring makahanap ng mga resources ay bibigyan rin ng priyoridad.

Bukod pa rito, ang national government ay naatasan din gumawa ng 5-year implementation plan. Gumawa rin ng batas ang gobyerno ng National Nutrition Information System kung saan ito ay makatutulong sa gobyerno upang maidentipika ang mga tao, grupo at lokalidad na mayroong mataas na kaso ng pagkagutom, at ‘undernutrition’.

Sinabi naman ni Senator Paolo Benigno Aquino IV, principal sponsor and co-author of the measure in the Senate, na ito ay makatutulong upang labanan ang malaking kaso ng ‘undernutrition’ sa bansa.

“Napakalaking tulong nito para mabigyan ng sapat na nutrisyon ang ating mga estudyante upang sila’y lumaking malusog at matalino,” sabi ni Aquino sa isang statement kahapon.

Dagdag pa niya, ang mga magsasagaka ay magkakaroon ng mas malaking kita dahil sila ang pagkukunan ng supply sa nasabing feeding proram. (Remate News Team)