Pangulong Duterte, prayoridad ang Mindanao

Pangulong Duterte, prayoridad ang Mindanao

August 4, 2018 @ 8:16 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Prayoridad ngayon ng Duterte Administration ang rehiyon ng Mindanao kasunod na rin ng iba’t ibang mga imprastraktura na nakalatag para sa buong rehiyon.

Sa naging  talumpati ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go sa oath-taking ceremony ng mga bagong miyembro ng regional party Hugpong ng Pagbabago sa Davao Del Norte ay iniisa-isa nito ang mga proyekto para sa Rehiyon.

Kabilang na dito ang Mindanao Railway Project na magpapaiksi sa travel time mula sa 3 oras ay kalahating oras na lamang mula sa Tagum City sa Davao Del Norte patungong Digos City sa Davao Del Sur.

Magugunitang sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang Mindanao Railway Project sa loob ng kanyang termino na matagal nang ipinagkait ng mga nagdaang administrasyon  para sa mga taga-Mindanao.

Samantala, hindi naman nakatakas si SAP Bong Go matapos muling inendorso ni Davao City Mayor at HNP chairperson Sara Duterte ang kanang kamay ng Pangulong Duterte para sa darating na 2019 senatorial Election.

Sa panayam, sinabi ni Go na very much willing siyang maging bahagi ng partidong ipinanganak at itinatag sa Davao City.

Ang regional political party na ‘Hugpong ng Pagbabago’ o HNP ay ang lumaking partidong lokal na  ‘Hugpong ng Taong Lunsod’  sa Davao na partidong kinaaniban noon ni Pangulong Duterte noong siya pa ang Alkalde ng lungsod. (Kris Jose)