Pangulong Duterte, walang cancer

Pangulong Duterte, walang cancer

October 9, 2018 @ 2:06 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Hindi malala ang sakit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, susunod naman sa Saligang Batas ang Pangulo kung malala ang sakit nito at i-anunsyo sa publiko.

Hindi naman kinontra ni Sec. Roque ang pahayag ni acting Local Government Secretary Eduardo Año na cancer free ang Chief Executive.

Nitong nakaraang linggo ay naglaan ng isang oras ang Pangulo sa Cardinal Santos Medical Center para sa kanyang diagnostic examination.

Iyon nga lamang aniya ay wala siyang alam o impormasyon ukol sa resulta ng test ni Pangulong Duterte.

“There is no consensus as to what extent his condition will be divulged, but we will abide by the provision of the Constitution whatever the President has, it is not serious for the Constitutional provision to apply,” aniya pa rin.

Sa ilalim ng Saligang Batas, kailangang malaman ng publiko ang kalagayan ng kalusugan ng sitting president.

Kapag ang lider ng bansa ay namatay sa kanyang tanggapan, permanently disabled o napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment ay awtomatikong ang Pangalawang Pangulo ang papalit sa kanya at pupunan ang six-year, single term ng Pangulo.

“What I can say is that the decision made was that unless the President has serious illness, he would like to keep his medical condition private and confidential,” ani Sec. Roque sabay sabing hintayin na lamang muna ang pag-anunsyo ng Pangulo sa kanyang kalusugan.

Sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, mismong si Duterte ang nag-anunsyo sa resulta ng Diagnostic examination sa cabinet meeting kagabi sa Palasyo ng Malakanyang.

Ayon kay Panelo, base sa pahayag ng pangulo, sinabi nito na negative ang resulta ng mga pagsususri sa kanya.

Matatandaang noong Miyerkules, inamin ng pangulo na nagpa-endoscopy siya sa Cardinal Santos Medical Center. (Kris Jose)