Pangungulelat ng Pinas sa listahan ng pinakaligtas na mga bansa, pinalagan ng PNP

Pangungulelat ng Pinas sa listahan ng pinakaligtas na mga bansa, pinalagan ng PNP

July 9, 2021 @ 5:58 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Pinalagan ng Philippine National Police (PNP) ang inilabas na ulat ng international magazine na Global Finance kung saan nangulelat ang Pilipinas sa listahan ng pinakaligtas na mga bansa sa mundo.

Tatlong aspeto ang pinagbatayan ng magazine sa pagdetermina ng safety scores ng mga bansa kabilang ang giyera at kapayapaan, personal security at natural disaster risk kabilang ang COVID-19.

Giit ni PNP chief General Guillermo Eleazar, hindi tama ang ulat kung pag-uusapan ang krimen, kung saan sinabi nitong malaki ang iginanda ng crime statistics ng bansa.

“Hindi tumutugma ang aming crime statistics sa ranking na ito… Araw-araw kaming naglabas ng crime situation sa ating bansa noong nakaraang taon kung saan makikita ang napakalaking ibinababa ng mga krimen,” ani Eleazar.

Katunayan, ayon sa PNP chief, bumaba ang bilang ng walong focus crimes sa bansa partikular ang murder, homicide, rape, physical injury, robbery, theft at carnapping.

“Nevertheless, we will take this latest ranking as a challenge to do more in terms of further improving the peace and order security in the country,” pagtitiyak ni Eleazar. RNT