Manila, Philippines – Hindi na nagulat ang Malakanyang sa naging deklarasyon ni Vice President Leni Robrero na pangunahan ang United Opposition.
Ito ay dahil si VP Robredo ang pinakamataas na halal na miyembro ng oposisyon.
Naniniwala si Presidential spokesperson Harry Roque na ang active opposition ay may mahalagang papel sa malusog at well-functioning democracy” sa bansa.
Umaasa naman ang Malakanyang na ang opposition movement ay hindi lamang magpo-promote ng responsable at constructive debate at isulong ang national conversation sa mas mataas na antas ng political maturity kundi iprisinta sa publiko ang kapaki-pakinabang na alternatibong plataporma ng pamahalaan na tutugon sa matagal nang problema ng bansa.
“Our people deserve no less,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ulat, sinabi ni VP Robredo na maraming grupo ang gustong salungatin ang administrasyong Duterte.
Pero dahil hindi nag-uusap-usap, hindi napag-iisa ang kanilang mga boses.
At ngayon, sinabi nito na nais niyang matiyak na ang mga boses na ito ay magpagkakaisa niya upang mas mapakinggan at maintindihan ng nakararami, kaya pamumunuan na niya ang oposisyon.
Kinumpirma rin ni VP Robredo na target ng United Opposition na makumpleto sa Setyembre ang kanilang slate o listahan ng mga kandidato na isasabak sa 2019 mid-term elections.
Kamakailan ay nakipagpulong ang bise-presidente na siyang tumatayong chairperson ng Liberal Party sa iba pang mga grupo gaya ng Tindig Pilipinas, Akbayan at Magdalo.
Pero sa ngayon ay wala pang pinal na listahan ng mga politiko o personalidad na kasama sa senatorial ticket ng oposisyon. (Kris Jose)