PANIBAGONG 25 TAON

PANIBAGONG 25 TAON

January 13, 2022 @ 10:09 AM 7 months ago


PAPALAPIT na ang tag-init, at marami na sa ating mga opisyal ang nagbababala na maaaring magkaroon tayo ng krisis sa tubig. Normal naman talaga ang ganyang mga senaryo sa panahon ng tag-araw.

Pero sa parte ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kailangang ihanda niya tayo sa mga ganitong pagharap sa krisis.

Pinirmahan niya lang naman ang pagsasabatas na nagbibigay ng panibagong 25 taong prangkisa para makapagpatuloy sa kanilang mga operasyon ang Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Company Inc., dalawang kompanya na nagdi-distribute ng tubig sa ‘west at east zone’ ng Metro Manila kabilang na ang mga probinsiya ng Cavite at Rizal.

Ito ang sinasaad ng Republic Act 11600 at 11601 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noon pang Disyembre na inaatasan ang Maynilad at Manila Water na magsasagawa ng tapat na pagseserbisyo sa pamamahagi ng tubig sa bawat tahanan nitong pinaglilikuran. At kailangang sisinupin ng dalawang kompanya ang kanilang paglilingkod sa mga kostumer nito nang maayos at kapaki-pakinabang sa mga gumagamit ng tubig.

Inaatasan din ang Maynilad at Manila Waters na magsumite ng plano upang makamit ang 100% na water, sewerage at sanitation services pagdating ng 2037.

Kinakailangan ding gawin ng dalawang kompanya ng tubig na siguruhin ang supply ng tubig at magsagawa ng iba pang paraan upang matugunan ang pangangailangan ng mga kustomer nito ng tubig.

Ang batas ay nag-aatas ding ayusin ng mga water company ang kanilang paniningil. Kailangan lagi itong makatarungan at patas para sa mga konsumer. Pinapayagan din ng batas ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System na “bambuhin” ang dalawang kompanya kung kinakakitaan nila ito ng pagmamalabis at patawan ng kaukulang parusa.

Kung inyong matatandaan, ‘di pinaporma ni Pangulong Duterte ang mga kompanyang ito nang maupo siya bilang lider ng bansa. Paano ba naman kasi, sinisingil pa ng dalawa ang pamahalaan sa umano’y pagkalugi nila nang maisapribado ang pagdidistribute ng tubig.

Hindi ito nagustuhan ng Pangulo kaya’t pinawalang bisa niya ang kontrata sa pagitan ng MWSS at dalawang kompanya. Nang lumuhod na ang Maynilad at Manila Water na pag-aari ng mga pinakamayayamang indibidwal sa bansa, saka lang pinayagan at binigyan pa ng panibagong 25 taon ang dalawa na makapagsilbi sa taumbayan.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!