PANIBAGONG HAMON SA KAKAYAHAN AT LIDERATO NG PNP

PANIBAGONG HAMON SA KAKAYAHAN AT LIDERATO NG PNP

March 6, 2023 @ 1:55 AM 2 weeks ago


SUNOD-SUNOD ang pamamaslang sa mga lingkod-bayan ng bansa na tila hinahamon ang kakayahan ng Philippine National Police pagdating sa peace and order.

Ang pinakahuli nga ay itong pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na pinasok sa kanyang bahay ng mga armadong lalaki.

Kapag pinag-isipang mabuti, hindi lang naman ang PNP ang nakataya ang pangalan pagdating sa pagbibigay ng proteksyon sa sambayanan subalit ang iba’t iba pang ahensiya kabilang na ang Department of the Interior and Local Government na pinamumunuan ni Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr.

Maging ang pangalan at dangal ni Pangulong Bongbong Marcos ay nakakaladkad dahil na rin sa walang humpay na pagpatay sa mga naninilbihan sa pamahalaan.

Sino nga ba ang nasa likod nang pamamaslang na ito? Maaaring iba’t iba nga dahil sa iba’t ibang lugar o lalawigan naman naganap ang mga pagpatay.

Pero may posibilidad na iisa lang o isang grupo lang mastermind at iisa lang ang motibo.

Sa ngayon, puro sapantaha tayo subalit kapag may inilutang na suspek o mga suspek, lalabas na diyan ang motibo at magiging palaisipan sa mga tao.

Hindi lang magiging palaisipan subalit magiging malalim ang dahilan na kailangang tuloy-tuloy na imbestigasyon upang makuha ang totoong motibo o dahilan.

Pero teka lang, bakit napatay naman ang suspek  sa Degamo case na umano’y nagpaulan ng bala sa mga humahabol na pulis? Ang masaklap pa, dalawa sa tatlong naarestong suspek ay pawang mga AWOL na sundalo.

Sa nakalipas na column ng inyong PAKUROT natalakay ang mahinang ‘intelligence network’ ng PNP, mukhang sinasabi nang patuloy na pamamaslang ang katotohanan sa pahayag na iyan.

Pero ang sagot ng PNP d’yan ay hindi ang pagpapalakas ng intel ng PNP subalit ang police visibility.

Maaaring isang paraan ito upang mapigilan ang krimen at tama si SILG Abalos sa sinabi niyang mas patindihin ang kampanya laban sa loose firearms at illegal firearms.

Paano nga naman, ang isang sibilyan ay may pag-aaring baril na mahigit sa limang short firearms at tatlong malalakas na kalibreng long firearms habang ang pulis na may kakayahang bumili hanggang gusto niya ay walang problema.

Siguro nga dapat ay magkaroon ng totoong internal cleansing sa PNP at dapat ay simulan ito sa ugat patungo sa mga sanga at mga dahon upang makita ang tunay na pagbabago sa pulisya.