PANIBAGONG KRISIS NA NAMAN

PANIBAGONG KRISIS NA NAMAN

February 28, 2022 @ 11:52 AM 4 months ago


MALAKING suliranin ngayon ang kinahaharap ng bansa kaugnay sa pambobomba ng Russia sa Ukraine na itinuturing na supplier ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Nagsisimula pa nga lang ang giyera roon, sunod-sunod na ipinatupad na ng mga kompanya ng langis ang taas presyo ng gasolina’t krudong ina­asahang aangat pa sa darating na mga araw habang lumalala naman ang kaguluhan doon.

Sa digmaang ito, wala tayong dapat ipangamba bunsod sa hindi naman kabilang ang Pilipinas sa NATO na nagkukumahog ngayon na tumulong sa Ukraine sa pamamagitan ng pagpapadala ng puwersa armada roon upang labanan ang mga pwersang Ruso na itinuturing pa rin na superpower sa sanlibutan.

Subalit sa isyu ng ekonomiya, malaki ang epekto nito sa bansang tulad natin na unti-unti pa lang na bumabangon dulot ng pandemyang sadyang bumuwal sa bawat isa mula sa halos dalawang taon na pagkalugmok.

Walang pinag-iba ang giyerang ito sa kaguluhan noon sa Middle East kung saan muntik nang makubkob ng tropa ng tinaguriang diktador na si Saddam Hussein ang bansang Kuwait ngunit dahil sa agarang pagpapadala ng puwersa ng mga superpowers na pinangunahan ng Estados Unidos, naunsyami ang pananakop ng Iraq.

Ibig sabihin, kasing-tigas man ng adobe ang bansa ni Vladimir Putin ngayon subalit kaya itong pataubin ng nagkakaisang NATO forces. ’Yun nga lang, inaasahang tataas na naman ang presyo ng pangunahing bilihin dito dulot ng pagsirit ng produktong petrolyon.

Tangnang buhay, hindi na nawalan ng problema ang bansang hindi pa nga tuluyang makabangon mula sa pandemyang covid-19, andyan na naman ang walang puknat na pagtaas ng presyo ng petrolyong pasanin ng ordinaryong jeepney drivers at mahihirap na mangingisda.

Kunsabagay, ano nga ba ang magagawa ng ‘Pinas na umaangkat ng langis mula sa mga dambuhalang bansang kapag nasasangkot sa malaki o maliit man na kaguluhan kagaya ng sa Ukraine, agarang sumisirit ang pandaigdigang presyo ng produktong petrolyo?

Kailan pa kaya makababangon ang bansang hindi matapos-tapos ang krisis na kinahaharap na mistulang lumalangoy sa karagatang hindi alam kung kailan aahon?