Panibagong round ng fuel subsidy, ilalabas sa Abril – DBM

Panibagong round ng fuel subsidy, ilalabas sa Abril – DBM

March 20, 2022 @ 1:30 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang ipamahagi ng pamahalaan ang panibagong round ng subsidiya para sa public transport drivers at delivery riders, at diskwento para sa agriculture sector sa darating na Abril.

Isa pang P2.5 bilyong piso ang inilaan para sa subsidiya para sa public utility vehicle (PUV) drivers at P600 milyong piso naman para sa agriculture sector.

“To help them cope with the rising prices of petroleum products,” ayon kay Acting Budget Secretary Tina Rose Marie Canda.

“Mayroon pa silang inaasahan next month,” ayon kay Canda.

Ngayong buwan, mamamahagi ang gobyerno ng first tranche ng susidiya.

Mahigit sa 377,000 public utility vehicle drivers ang inaasahan na makatatanggap ng P6,500 bawat isa habang sa agriculture sector naman ay makatatanggap ng P3,000 bawat isa.

Tumanggi naman si Canda na magbigay ng timeline sa pamamahagi ng P200 monthly subsidy para sa mahihirap na pamilya subalit tiniyak na maibibigay ang nasabing financial assistance.

“Maaaring ibigay ng April or May, depende kasi sa certification ng [Bureau of the] Treasury,” anito.

Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekumendasyon ng finance department na magbigay ng P200 monthly subsidy sa “bottom 50 percent of all Filipino households” para sa taong kasalukuyan sa halip na suspendihin ang fuel excise taxes sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi ni Canda na ang P33.1 billion na inilaan para sa cash aid ay manggagaling mula sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng national budget.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mamamahala sa distribusyon ng subsidiya.

“Ang hindi ko lang alam [ay] kung papano ito madi-distribute ng DSWD, kung gagawin ba ito quarterly o initial na bigay medyo malaki,” ani Canda.

“Matrabaho naman kasi kung every month naglalabas ang DSWD ng P200. So baka lump sum nang lump sum ang gagawin nila,” dagdag na pahayag nito.

Matapos ang 11 sunod-sunod na linggong oil price hike, magpapatupad ang local industry ng rollback sa paparating na linggo, kauna-unahan para sa taong 2022.

Sa pagtaya ng industriya, “oil companies may lower their prices of diesel by P11 to P11.70 per liter, gasoline by P6 to P6.20 per liter, and kerosene by P8.70 to P8.80 per liter.” Kris Jose