PANINDA SA KADIWA: MURA NA, SARIWA PA

PANINDA SA KADIWA: MURA NA, SARIWA PA

December 9, 2022 @ 9:44 AM 2 months ago


MANOK, karneng baboy at baka, isda, gulay, itlog, rekado, bigas.

Name it, you have it sa Kadiwa Stores.

Dito sa mga Kadiwa Store, mga Bro, bukod sa meron na halos lahat ng karaniwang nating binibili para sa pang-araw-araw na buhay, mura at sariwa pa ang mga ito.

Saka, walang daya sa timbangan kapag bibili ka.

Ayaw mo pa ‘yan?

Lalo na sa mga araw na ito na hindi pa naman tayo talaga nakababangon mula sa pandemyang gawa ng COVID-19.

Sa ibang salita, sa hirap ng buhay ngayon, makatitipid tayo sa gastusin sa pagkain kapag sa Kadiwa Store tayo bibili ng nasabing mga pagkain na de kalidad at abot-kaya ang halaga.

BILASA NA, MAHAL PA

Kapag magawi kayo sa mga pwesto ng Kadiwa Store, malaki talaga ang pagkakaiba nito sa mga tindahan sa palengke.

Marami ang ipinupwesto sa mga barangay para maging malapit sa mga karaniwang mamamayan at inilalayo sa mga palengke para hindi naman makaapekto sa kalakaran sa huli.

Imadyinin mo na lang.

Maaaring maglakad ka lang papunta sa Kadiwa sa Store samantalang maaaring magtraysikel ka o magdyip ka papuntang palengke.

Kung magtraysikel ka, mahal ito kung ispesyal ang biyahe mo dahil ihahatid ka sa iyong bahay matapos kang mamili.

Karaniwang naniningil ang mga traysikel ng P100 kumpara sa P12 lang na pamasahe sad yip.

Pero heto ang isa pang malaking pagkakaiba.

Sariwa at hindi problema ang kalidad ng mga paninda sa Kadiwa Store, lalo na ang mga isda.

Sa palengke, may tiyak na bilasa at, mas masahol pa, amoy-gilik, bukod sa may daya pa sa timbang ng ilang halang ang kaluluwa na vendor.

MULA KAY SENYOR HANGGANG KAY DAYUNYOR

Hindi makalimutan ng mga nagkakaedad at senior citizen natin ang Kadiwa Store na sistemang palengke na nilikha noong panahon ni Manong Ferdie.

Isa sa pangunahing namahala noon dito si ex-First Lady Imelda Marcos.

Ngayon naman, binuhay ang sistemang ito ni Pang. Bongbong Marcos Jr.

At pati ang mga kritiko ngayon, nakikita nating nagpupuntahan sa mga Kadiwa Store para bumili roon.

Para naman kasi sa lahat ang pakinabang mula sa Kadiwa Store.

BAWAS MIDDLEMAN, KIKITA ANG PRODUCER

Kung bakit mas mura ang mga nasa Kadiwa Store kumpara sa mga nasa palengke, eh, dahil wala nang middlemen na maituturing.

Diretso ang gobyerno na bumibili sa mga maggugulay, mangingisda at naghahayupan.

Sa sistemang ito, hindi umuubra ang pambabarat ng mga middleman sa mga maggugulay, mangingisda at naghahayupan at saka magbenta nang mahal.

Sa pagitan ng gobyerno ang mga producer, katamtaman na presyo ang usapan para maging everybody happy.

At ang maganda, tuloy-tuloy ang Kadiwa Store may Pasko man o wala.