Panukala na tututok sa mental health pasado na sa ikalawang pagbasa

Panukala na tututok sa mental health pasado na sa ikalawang pagbasa

January 25, 2023 @ 11:46 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Umusad na sa Kamara at lusot na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 6574 o  Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.

Pangunahing target ng panukala na palakasin ang kampanya para sa mental health kung saan sa oras na maisabatas ang panukala ay kukuha ng mental health professionals na siyang mangangasiwa sa promosyon ng mental health services sa basic education.

Sa oras na maisabatas ang HB 6574 ay magtatag ng Mental Health and Well-being Office sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Education (DepEd), ang bawat paaralan ay dapat mayroong ganitong opisina na syang tutugon sa mental, emotional at developmental needs  ng mga estudyante at maging ng mga guro.

Ang Mental Health and Well-being Office sa mga paaralan ay pamumunuan ng Mental Health Professional na may posisyon na  Guidance Services Specialist V at may sahod na katumbas ng Salary Grade 24.

Kukuha din ng mga guidance associates at psychometricians gayundin ng mga bagong graduates ng psychology na kuwalipikado na maging mental health professionals.

Sinabi ni House committee on Basic Education and culture Chairman Pasig Rep Roman Romulo na obligasyon ng estado na pangalagaan ang mental health ng mga guro at estudyante.

Umaasa si Roman na agad itong maipapasa ng Kongreso dahil kulang ang mental health professionals sa basic education system at upang matugunan ang emotional, psychological at mental health well-being sa mga paaralan kasunud na rin ng naranasang mga problema kabilang na dito ang epekto ng pandemic. Gail Mendoza