Panukala sa Cha-Cha inihain na sa Kamara

Panukala sa Cha-Cha inihain na sa Kamara

September 19, 2022 @ 6:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Isang panukala para sa Charter Change sa pamamagitan ng Constitutional Convention(ConCon) ang inihain sa Kamara ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte.

Layunin ng House Bill 4926 o Constitutional Convention Act ni Villafuerte na maiakma sa panahon ang mga probisyon ng Saligang Batas dahil marami na ang nabago mula nang mapagtibay ang 1987 Philippine Constitution.

Sa ilalim ng panukala ni Villafuerte ang mga miyembro ng Concon ay ihahalal at isasabay sa eleksiyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections kung matutuloy sa 2023 o sa midterm elections sa 2025

Ang mga delegado ay magmumula sa kinatawan ng kada legislative district na natural born citizen ng Pilipinas, qualified voter at dalawamput-limang taong gulang na sa araw ng eleksyon at hindi maaaring maisama sa delegado ang kasalukuyang elected officials, nasintensyahan ng kasong subversion ,insurrection o rebleyon at maituturing na insane at incompetent.

Ang Commission on Elections(Comelec) ang bubuo ng implementing rules and regulations ng gaganaping Concon elections at sinumang delegado ng Concon ay hindi maaaring maitalaga sa ibang government position habang hindi pa natatapos ang sesyon ng convention at isang taon mula sa plebesito na ipatatawag para sa charter change.

Sinabi ni Villafuerte na ang maihahalal na delegado ng Concon ay bibigyan ng dalawang taon para matapos ang pagrepaso sa Saligang Batas.

“napapanahon na ang pag-amyenda sa saligang batas, naisasantabi ito dahil sa alinlangan at pagdududa kaya ang pinaka transparent na pamamaraan ay sa ConCon”paliwanag ni Villafuerte.
.
Bilang paunang funding, mangangailangan ng P300 million ang ConCon. Gail Mendoza