Panukala vs expired agri commodities na ibinebenta online, ikakasa ng DA

Panukala vs expired agri commodities na ibinebenta online, ikakasa ng DA

December 8, 2022 @ 1:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Magpapatupad ng mga panukala upang protektahan ang consumers mula sa expired agricultural commodities na ibinebenta online, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes.

“E-commerce, as far as agricultural commodities are concerned, is something that we really have to look into on how we can put the safety nets, so that we can protect our consumers,” giit ni DA spokesperson Kristine Evangelista.

Ito ang naging tugon niya nang tanungin kung ano ang ginagawa ng DA kasunod ng ulat na 300 kahon ng expired na karne na nagkakahalaga ng halos kalahating milyong piso ang nakumpiska mula sa isang storage facility sa Tondo, Manila.

Upang hindi na ito maulit, sinabi ni Evangelista na ang DA at relevant attached agencies ay paiigtingin ang pagsisikap upang matiyak na tanging legitimate sellers at producers ang makapagbebenta online.

“We are working with our attached agencies to address these things because definitely we don’t want our consumers to be buying products that can affect their health,” aniya pa.

Batay sa ulat, ang meat imports ay walang certificate of inspection mula sa National Meat Inspection Service. Nagmula rin ito sa Germany, na mayroong umiiral na meat import ban dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).

Ikinatatakot ng mga awtoridad na ilang imported meat ang maaaring nabili na ng consumers matapos makatanggap ng mga ulat hinggil sa pagbebenta ng expired meat online.

Ang ASF ay isang highly contagious viral disease ng domestic at wild pigs, base sa World Organization for Animal Health.

Sinabi ni Evangelista na bagama’t wala itong banta sa mga tao, dapat tiyakin ng consumers na ang binibili nilang karne ay ligtas kainin.

Pinaalalahanan din niya ang consumers na laging suriin ang manufacturing at expiration dates, especially ng frozen products. Kapag bumibili umano online, alamin muna ang pinagkukunan ng commodity. RNT/SA