Panukalang 20% discount sa pre-employment docs sa indigent, umusad na sa Kamara

Panukalang 20% discount sa pre-employment docs sa indigent, umusad na sa Kamara

March 9, 2023 @ 10:54 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng House Committee on Poverty Alleviation ang substitute bill para sa panukalang nagsusulong na mabigyan ng 20% discount sa singil sa mga pre-employment documents ang mga nagsipagtapos.

Kabilang sa mabibigyan ng diskuwento ay ang sinisingil sa barangay, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, medical certificates mula sa government hospitals at medical facilities na nasa ilalim ng Department of Health, certificates of birth at marriage mula sa Philippine Statistics Authority, national certificate at certificate of competency mula sa Technical Education and Skills Development Authority, certificate of civil service eligibility at iba pang government-issued documentary requirements.

Ang diskuwento ay maibibigay naman sa mga naghahanap ng trabaho na nabibilang sa indigent sector, kung sino ang masasabing indigent ay tutukuyin naman ng Inter-Agency Coordinating and Monitoring Committee.

Bukod sa diskuwento ay nakapaloob sa batas na libre o walang babayaran sa pagkuha ng tax identification number (TIN), transcript of records (ToR), transfer credentials at authenticated copy ng diplomas at certificates of good moral character mula sa mga unibersidad.

Sinabi ni 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero na ang 20 percent discount ay malaking tulong para sa mga kapos nating kababayan, aniya, isa itong hakbang para tulungan ang mga naghahanap ng trabaho na mapadali ang kanilang paghahanap ng mapapasukan at hindi magiging hadlang ang mga bayarin para sa requirements.

Umaasa si Romero na agad maeendorso ang panukala sa House Plenary at maipasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa. Gail Mendoza