Panukalang 2022 budget tinintahan na ng Bicam

Panukalang 2022 budget tinintahan na ng Bicam

December 15, 2021 @ 11:46 AM 9 months ago


MANILA, Philippines – Tinintahan na ng mga mambabatas mula sa Senado at Kamara ang bicameral conference committee report ukol sa panukalang P5.024-trillion budget para sa 2022.

Sa nasabing paglagda ay nadagdagan pa ng P20 hanggang P30 bilyong pondo ang Department of Health sa gitna ng patuloy na pandemya sa COVID-19.

Sinabi ni Senator Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, na tinaasan ang DOH budget para sa pagpondo sa special risk allowances ng health workers at pagbili ng COVID-19 booster shots.

Nauna nang naglaan ang Senate finance committee ng P226 billion sa DOH.

“‘Yung DOH is I think up by at least P20 to P30 billion over what the President submitted, maraming kulang doon so nandoon ‘yung risk allowance, I think dinagdagan namin ‘yung sa boosters tapos sa testing mayroon din doon,” ani Angara sa mga reporter.

Dagdag pa ng senador na nasa P45 hanggang P50 billion ang inilaang pondo sa pagbili ng bakuna.

Sa hiwalay naman na interbyu kay Cong. Eric Yap, sinabi niya P50 billion ang inilaan sa SRAs ng medical frontliners habang isa pang P50 billion ang inilaan para sa booster shots.

Sinabi pa ni Yap na nasa P3.5 billion inilaan bilang paunang bayad sa anim na units ng C-130 air assets.

“Ngayong may pandemic, dito natin nakita ‘yung importance ng C-130 eh,” ANI Yap.

Samanatala, nasa P32 billion naman ang inilaan sa State Universities and Colleges dahil sa muling pagbubukas ng mga in-person classes sa bansa, ani Yap.

“Nandiyan na rin ‘yung SUCs na almost P32 billion po ang nilagay natin. Kasi po ngayon po, halos pabalik na tayo sa mga physical na mga classes eh so ‘yung mga universities po natin hindi pupuwedeng pabayaan,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi rin ni Angara na ang education sector pa rin ang nakakuha ng pinakamataas na alokasyon sa proposed national budget.

“Education is still the highest, you’re talking about P800 billion sa education sector but ‘yung health… big increase also this year,” anang senador.

Inaasahang raratipikahan ang proposed national budget ngayong hapon. RNT