Panukalang bubuo sa Negros Island Region aprubado na ng Kamara

Panukalang bubuo sa Negros Island Region aprubado na ng Kamara

March 6, 2023 @ 5:59 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magtatatag sa Negros Island Region (NIR).

Ang panukala na House Bill 7355 ay nakatanggap ng 290 yes votes, kung saan igu-grupo ang mga lungsod, munisipalidad at barangay sa mga probinsya ng Negros Oriental, Negros Occidental, at Siquijor, kabilang ang Bacolod City, sa Negros Island Region.

Samantala, magbibigay din ang panukala ng isang Technical Working Group (TWG) na tututok sa pagtatatag ng bagong rehiyon kabilang ang mga tauhan mula sa Office of the President, Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government, Office of the Governor ng mga probinsya ng Negros Oriental, Negros Occidental at Siquijor, kabilang ang lahat ng elected District Representatives ng mga nabanggit na probinsya, at Representative ng Bacolod City.

“The TWG shall formulate strategic plans to put in place the institutional arrangements for the NIR; recommend to the Office of the President the preferred location of the Regional Center; arrange the requirements for the organizational development, staffing, and budgeting mof regional line and regulatory agencies, as well as the imperatives for development planning and investment programming,” saad sa panukala.

Sa kasalukuyan, ang Negros Occidental at kabisera nitong Bacolod City ay nasa ilalim ng Western Visayas o Region 6 habang ang Negros Oriental at Siquijor naman ay bahagi ng Central Visayas o Region 7.

Kabilang sa mga may-akda ng mga consolidated bill ay sina Negros Occidental Reps. Juliet Marie de Leon Ferrer, Alfredo Marañon, Gerardo Valmayor, Jr.. Emilio Bernardino Yulo, Mercedes Alvarez at Jose Francisco Benitez; Greg Gasataya ng Bacolod city at Joseph Stephen Paduano ng ABANG LINGKOD party-list.

Si dating Pangulong Benigno Aquino III ang naglabas ng Executive Order 183 na bumubuo sa Negros Island region noong Mayo 29, 2015, na naghihiwalay sa Negros Occidental mula sa Western Visayas, at Negros Oriental mula sa Central Visayas.

Sa kabila nito, binuwag naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang batas sa pamamagitan ng Executive Order 38 noong Agosto 7, 2017 “to ensure that priority government programs and projects are sufficiently funded.” RNT/JGC