Panukalang Department of Disaster Resilience ‘di maipapasa ng 18th Congress — Sotto

Panukalang Department of Disaster Resilience ‘di maipapasa ng 18th Congress — Sotto

January 19, 2022 @ 8:47 AM 7 months ago


MANILA, Philippines — Malabo nang maipasa ng kasalukuyang ika-18 na Kongreso ang panukalang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) bago ito mag-adjourn, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Giit ng Senate President na kinakailangan pang dumaan sa “heavy interpellation” sa Senado ang nasabing panukala.

“Mabigat pa. Mabigat ang interpellation, baka hindi na umabot ‘yun, baka next Congress na nila pi-pick up ‘yun,” ani Sotto sa reporters.

Noong Setyembre 2020 nang aprubahan ng House of Representatives ang DDR na kabilang sa prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim ng panukala, ang DDR ang magiging “responsible, accountable, and liable for leading, managing, and organizing national efforts to prevent and reduce disaster risks; prepare for and respond to disasters; and recover, rehabilitate and build forward better after the destruction.”

Sa kabilang banda, inilahad ni Sotto na kabilang sa mga panukalang kanilang tinututukan ngayon ay ang Marawi compensation bill at ang panukalang nagdadagdag benepisyo para sa mga health worker.

Hindi pa rin naaaksyunan ng Senado ang tatlong kasunduan kabilang na rito ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Agreement, ang 1961 Convention on the Reduction of Statelessness, at ang Arms Trade Treaty.

“We could not approve it on the same day anyway, so we will have two weeks to do that. But I think by Monday we will able to ratify these treaties. And if third reading is necessary, we have enough time to do that,” ani Sotto.

Sinabi rin niya na may “very good chance” na maipapasa ng Senado ang Financial Consumer Protection Act.

“If sponsored on Monday and if interpellations are not too heavy, baka (probably) by Tuesday or Wednesday ma-approve namin on second reading, then we have another week,” dagdag pa ng senador.

“So, yung  three-day rule pasok, puwedeng ipa-approve ‘yun on third reading,” giit pa niya.

Ngayong linggo ay suspendido ang plenary sessions at on-site work sa Senado matapos na magpositibo sa COVID ang 88 na empleyado. RNT