Panukalang entry tax sa mga turista, nais ipataw

Panukalang entry tax sa mga turista, nais ipataw

February 9, 2023 @ 1:39 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Isang panukalang batas na magpapataw ng $25 entry tax sa mga dayuhang turista ang isinisulong ni Camarines Sur Rep Lray Villafuerte.

Sa House Bill 5285 na inihain ni Villafuerte sinabi nito na ang malilikom na entry tax ay maaaring magamit para mapabuti pa ang tourist welfare services ng bansa.

“Tourism has been a growing force in the Philippine economy. The industry has contributed a total of P2.85 trillion to the local economy in 2016, almost 20 percent of our GDP (gross domestic product,” paliwanag ni Villafuerte.

Aniya, bago ang pandemya ay mataas ang tourist arrivals sa bansa kaya naman mas makabubuti na mas pagandahin pa ang turismo upang mas makapaghikayat ng mga turista matapos ang pandemic.

Sa ilalim ng panukala o Tourist Welfare Tax Bill, mangongolekta ng $25 sa kada turista na papasok ng bansa para sa turismo at leisure at ang bayarin na ito ay isasama na sa airline ticket cost.

“This tourist tax shall be reflected in official receipts (ORs) issued by international and domestic carriers, and which shall then be handed over to the ]DOT] for the development of tourist welfare services, improvement of TIEZA’s (Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority) services in tourism infrastructure, and for upgrading the programs of LGU (local government unit) tourism offices in their respective localities,” nakasaad sa panukala.

Ipinaliwanag nito na ang $25 na sisingilin ay kahalintulad lang din ng sinisingil sa ibang bansa gaya sa Thailand, Indonesia, Brunei, Sri Lanka, Cambodia, Hong Kong at China, ani Villafuerte, sa ibang bansa ay matagal nang may sinisingil na entry at exit taxes na kanilang ginagamit para sa tourism development funds.

May opsyon naman na hindi magbayad ng entry tax ang isang turista kung ang mga ito ay nakagastos ng katumbas na $10,000 habang nasa bansa, ang refund sa entry tax ay maaaring makuha. Gail Mendoza