Panukalang gagarantiya sa tuloy-tuloy na benepisyo sa mga healthworker, oks kay PDu30

Panukalang gagarantiya sa tuloy-tuloy na benepisyo sa mga healthworker, oks kay PDu30

April 29, 2022 @ 5:27 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagmamandato sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng benepisyo at allowances sa mga healthcare workers, pampubliko man o pribado, habang nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.

Sa ilalim ng Republic Act no. 11712 o “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act,” mayroong matatanggap na buwanang Health Emergency Allowance ang mga healthcare workers sa ilalim ng public health emergency, depende sa kanilang risk of exposure.

  • P3,000 para sa low risk

  • P6,000 para sa medium risk

  • P9, 000 para sa high risk

Bukod pa ito sa mga benepisyo na una na nilang natatanggap.

Makatatanggap din ang P1 milyong kompensasyon ang pamilya ng masasawing health worker dahil sa COVID-19; P100,000 para sa tatamaan ng severe case; at P15,000 para sa mild at moderate case.

Ang kompensasyon ay dapat na matanggap ng mga benepisyaryo nang hindi lalampas sa tatlong buwan matapos silang ma-confine o masawi at sa oras na makapagsumite ng kumpleto at compliant documentary requirements.

Samantala, sa ilalim din ng batas, kikilalanin bilang healthcare workers maging ang mga barangay health workers na kabilang sa DOH National BHW registry system na nakatalaga sa swabbing at vaccination sites at nagbibigay ng medical assistance.

Nilagdaan ng pangulo ang batas noong Miyerkules, Abril 27, 2022. RNT/ JCM