Panukalang libreng medical, hospitalization benefits sa mahihirap na kababaihan inihain sa Kamara

Panukalang libreng medical, hospitalization benefits sa mahihirap na kababaihan inihain sa Kamara

October 23, 2022 @ 9:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Isang panukala ang inihain ni Las Piñas Rep. Camille Villar na naglalayong mabigyan ng libre a tiyak na tulong-medikal ang mga mahihirap na kababaihan na dumaranas ng mga tinatawag na “women’s diseases” gaya ng cancer at mga sakit na dala ng pagbubuntis.

Sa House Bill 5243 ni Villar sinabi nito na ang gastusin sa hospitalization ng mga mahihirap na kababaihan ay dapat sinasagot ng gobyerno, aniya, kalahati ng populasyon ng bansa ay mga babae kaya lubhang mahalaga ang kanilamg kalusugan para na rin sa susunud na henerasyon.

“Women’s health and welfare is of paramount importance considering that women constitute half of the country’s population and women’s health and well-being affect the health of the next generation,”paliwanag ni Villar.

“Granting free medical treatment and hospitalization benefits to indigent women is in consonance with the Constitutional provisions that recognize the need for such facilities and opportunities that will enhance their welfare and enable them to realize their full potential,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng panukala ay isinusulong na magkaroon ng special ward sa mga provincial at district hospitals na para sa mga kababaihan.

Upang makakuha ng libreng serbisyo ay kailangan magprisinta ng certificate mula sa Department of Social Welfare na nagpapatunay na ito ay indigent, sa ilalim ng panukala ang indigent ay mga kababaihan na ang sahod sa loob ng isang buwan ay hindi tataas sa P5,000.

Sa oras na maaprubahan ay aatasan ang DSWD at DOH na syang mangasiwa sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations. Gail Mendoza