Panukalang P5K wage subsidy suportado ni Eleazar

Panukalang P5K wage subsidy suportado ni Eleazar

April 6, 2022 @ 2:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ni senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang pamahalaan na aprubahan ang panukala ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mamahagi ng P5,000 wage subsidy sa isang milyong manggagawa na tumatanggap ng minimum wage.

Malaki aniya ang maitutulong ng panukala sa mga manggagawa, na pawang mga apektado ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at epekto ng COVID-19 pandemic.

“Bagamat unti-unti nang nakakabawi ang ekonomiya, matagal pa bago tuluyang makatayo nang lubusan ang mga manggagawa na pinadapa ng pandemya at ng pagtaas ng mga bilihin dahil sa pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo,” ani Eleazar.

“Kung maipapasa ang suhestyon ng DOLE na magbigay ng subsidiya sa mga maliliit na manggagawa ay mas madali ang pagbangon nila sa pagkakalugmok. May maganda itong balik sa gobyerno dahil mas sisigla ang economic activity,” aniya pa.

Iminungkahi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang pamumudmod ng P5,000 wage subsidy sa isang milyong manggagawa sa small enterprises na pinakamatinding tinamaan ng pendemya at inflation na dala ng serye ng oil price hikes.

Ito’y matapos tanggihan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang mga panawagang dagdag na P470 minimum wage increase sa Metro Manila.

Kabilang si Eleazar sa mga sumuporta sa dagdag na pasahod nang ipinanawagan ito ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP). Napapanahon aniya ang dagdag-sweldo para maibsan ang mga epekto ng pandemya at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Subalit dahil ibinasura nga ang petisyon ng TUCP, magandang maglaan muna ng tulong ang gobyerno sa mga pinakaapektadong manggagawa para magkaroon sila ng puhunan habang dinidinig ang iba pang suhestyon sa taas sweldo,” aniya. Jan Sinocruz