Panukalang pagpataw ng obligasyon sa plastic waste sa mga kompanya, oks na sa Senado

Panukalang pagpataw ng obligasyon sa plastic waste sa mga kompanya, oks na sa Senado

February 2, 2022 @ 11:11 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang magmamandato sa malalaking kumpanya na magpatupad ng mga polisiya hinggil sa tamang pagtatapon ng plastic wastes.

Layon ng Senate Bill 2425 na i-institutionalize ang Extended Producer Responsibility (EPR) at amyendahan ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.

Sabi ni Senator Cynthia Villar, chairwoman ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, binuo ang panukalang batas bilang tugon sa mga panawagang magkaroon ng regulasyon sa produksyon, importasyon, paggamit at pagtatapon ng mga single-use plastic ng mga industriya.

“It is not a solution in itself, but it is a move in the right direction, I believe. We need to rescue our country from being a marine litter culprit and demonstrate that a developing country can and will make this work,” saad ni Villar.

Sa pamamagitan ng EPR, ang mga obligadong kompanya ay may pananagutan para sa tama at epektibong pagbawi, pag-recycle o pagtatapon ng kanilang mga produkto pagkatapos itong maibenta at magamit ng mga mamimili para mabawasan ang paggawa ng basura at mapahusay ang recyclability at reusability ng mga packaging wastes.

Kabilang sa mga kompanyang oobligahin dito ang mga producer, manufacturer at importer ng mga produktong gumagamit ng plastic packaging.

Dapat silang maging responsable sa pagbuo ng financial contributions para suportahan ang koleksyon, recovery, transportation, processing, recycling at disposal ng mga basurang plastic.

Habang ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) ay hindi ire-require na magkaroon ng EPR programs.

Samantala, dapat na makasunod at mapahusay ng mga kompanya ang pagpapatupad ng EPR programs hanggang sa 2030.

Ang mga producers, distributors at retailers na magpapatupad ng mga EPR program ay magiging eligible sa tax incentives.

Para sa naman sa mga kompanyang hindi makakasunod, mahaharap sila sa multang P5 million hanggang P20 million.

“It is a sad reality that the Philippines is not in a good place when it comes to plastic wastes. The Philippines is the world’s third largest source of plastic waste leaking into the ocean and we have yet to improve our ranking. We hope to contribute in solving this through this legislation,” saad pa ng senador.

“The EPR bill is not meant to put additional burden to the companies who are plastic packaging wastes generators, but rather it is an acknowledgment and a call for help that plastic waste problem will not be solved without their invaluable cooperation,” dagdag niya.

Samantala, bukod kay Villar, co-authors din ng panukala sina Senators Ramon “Bong” Revilla Jr., Aquilino “Koko” Pimentel 3rd, Pilar Juliana “Pia” Cayetano, Juan Edgardo “Sonny” M. Angara, Francis “Kiko” Pangilinan, Joel Villanueva, Maria Lourdes “Nancy” Binay, Emmanuel “Manny” Pacquiao, Risa Hontiveros, Manuel ‘’Lito’’ Lapid, at Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri. RNT