Panukalang pagrehistro sa SIM card, social media accounts, pinagtibay ng Kongreso

Panukalang pagrehistro sa SIM card, social media accounts, pinagtibay ng Kongreso

February 3, 2022 @ 9:16 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Niratipikahan ng Senado at ng House of Representatives  ang bicameral conference committee report sa panukalang nagmamandato sa pagrehistro ng mobile phone subscriber identity module cards o SIMs.

Sa nasabi ring panukala, inaatas na dapat totoong pangalan, at pagmamay-aring numero ang nakarehistro sa mga social media networks kapag gagawan ng account dito.

Sinabi ni Senator Grace Poe, Senate contingent to the bicameral conference committee chair, na ginamit ng mga mambabatas ang House version bilang working draft para sa pinal na bersyon ng panukalang SIM Card Registration Act pero ang amyenda mula sa mga senador ang inadopt.

Kasama sa probisyon ng panukala ay ang pag-aatas sa lahat ng public telecommunications entities (PTEs) na irehistro ang kanilang mga SIM cards bago ang pagbebenta at aktibasyon.

Habang ang lahat naman ng SIM card na hawak na ng mga subscriber ay dapat na irehistro sa loob ng 180 araw simula sa pagpapatupad ng batas.

Binibigyang-kapangyarihan naman ang PTEs na i-deactivate ang mga SIM card na hindi nagrehistro sa ibinigay na panahon.

Habang papayagan din ang pagbebenta ng SIM cards sa mga dayuhan pero nakasailalim ito sa ilang mga rekisito ttulad ng pagpapakita ng passport, proof of address sa bansa, at iba pa.

Dagdag pa ni Poe, inaatasan din ng panukala ang PTEs at social media providers na gawing updated ang kanilang datos at impormasyon sa 10 taon, sa oras na i-deactivate ng user ang kanyang mobile number social media account. RNT