Panukalang pagtatayo ng evacuation center sa bawat lungsod, munisipalidad, binuhay ni Gatchalian

Panukalang pagtatayo ng evacuation center sa bawat lungsod, munisipalidad, binuhay ni Gatchalian

August 29, 2022 @ 1:13 PM 4 weeks ago


MANILA,Philippines- Muling binuhay ni Senador Win Gatchalian ang panukalang pagtatayo ng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 940 o ang Evacuation Center Act, ang mga evacuation center na ito ay magsisilbing agarang evacuation para sa lahat na nangangailangang lumikas sanhi ng kalamidad at sakuna, kabilang ang sama ng panahon, sunog, at outbreak ng sakit.

Pinuna ni Gatchalian ang nakasanayang paggamit ng school buildings bilang evacuation center sa panahon ng kalamidad, bagay na nakakaantala sa mga aktibidad ng paaralan at pagpapatuloy ng edukasyon. Ayon pa sa senador, may kakulangan ng mga matitibay na silid-aralan at mga gusaling hindi nasasalanta ng mga bagyo o iba’t-ibang kalamidad. Dahil dito, hindi na rin nagagamit ang mga ito bilang evacuation centers dahil nasira na.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, dapat kayanin ng mga bagong evacuation centers at ng mas pinatibay na mga pasilidad sa mga paaralan ang mga hangin na may bilis na 320 kilometers per hour at lindol na may 7.2 magnitude.

“Hindi na tayo dapat masanay na gumamit ng mga silid-paaralan bilang mga evacuation center, lalo na’t nakakaantala ito sa pagpapatuloy ng edukasyon matapos ang isang sakuna,” ani Gatchalian.

Lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) Region 6 Rapid Assessment and Damages Report (RADAR) na sa Western Visayas na halos apat na raang (380) silid-aralan ang nasira, habang may halos apat na raan (397) din ang bahagyang nasira nung tumama ang super typhoon Odette sa bansa noong Disyembre 2021.

Ayon pa sa RADAR, labing-isang (11) paaralan ang nasira sa Central Luzon, siyam (9) sa Cagayan Valley, walo (8) sa Cordillera Administrative Region, at pito (7) sa Ilocos Region nang tumama ang lindol noong nakaraang Hulyo.

Sa ilalim ng panukalang batas, gagawa ang National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) at ang mga alkalde ng priority list ng mga local government units (LGUs) na nangangailangan ng evacuation centers.

Kung ang isang LGU ay walang lupang maaaring pagtayuan ng evacuation center, maaari nilang patatagin at ayusin ang mga pasilidad o paaralan na ginagamit na bilang evacuation center. Ernie Reyes