Panukalang reporma ni Salceda sa PhilHealth, suportado ng FFW

Panukalang reporma ni Salceda sa PhilHealth, suportado ng FFW

June 5, 2022 @ 4:45 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Suportado ng Federation of Free Workers (FFW), isang samahan ng mga manggagawa, ang mga panukala ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa bagong pamunuan at Kongreso na distrungkahin ang sistema ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at mga programa nito.

Isa sa mga programa ng PhilHealth na tinututulan ni Salceda, na chairman ng House Ways and Means Committee, ay ang sapilitan nitong pagtatalaga ng napakataas na bayad-sapi sa mga ‘overseas Filipino workers (OFWs),’ na aabot sa taunang P38,400 ngunit hindi naman pakikinabangan ng OFW habang nasa ibang bansa sila.

“Sobrang mataas ang singil na ito. Ang tanong: “Ano namang pakinabang ang makukuha sa PhilHealth kung hindi naman sila makakapunta sa ospital na Pilipino habang nasa ibang bansa sila,” pahayag ng mambabatas.

Sa nakaraan, matinding tinuligsa ang PhilHealth sa mga ‘hearings’ sa Kongreso kaugnay sa magulo diumano nitong pangangasiwa sa Philippine Universal Health Care Law at sa ‘COVID-19 response program’ ng pamahalaan. Ipinakikiusap ni Salceda sa susunod na Pangulong Ferdinand Marcos Jr na isama sa mga prayoridad nito ang pagsasa-ayos sa PhilHealth.

Sa isang pahayag ng FFW, sinabi nitong kaisa sila sa mga panukala ni Salceda na repormahin ang pangkalusugang programa ng pamahalaan at gawing ‘voluntary’ lamang ang pagsapi ng mga OFW sa PhilHealth.

Ayon sa mambabatas, muli niyang ihahain sa Kamara ang HB 7570 o Philhealth Reform Act na inihain niya sa nakaraan, na naglalayong distrungkahin at rebisahin ang mga programa at sistema ng PhilHealth, kasama na ang hindi sapilitang pagsali dito ng mga OFW at hanggang P100 lamang ang babayaran sa PhilHealth ng mga mabababa ang sahod.

Kamakailan, ipinahayag ng PhilHealth na pasisimulan na nila agad ang pagpapatupad ng Republic Act 11223 o Universal Health Care (UHC) Act kung saan nakasaad ang sapilitang bayad-sapi ng mga OFWs na sinuspende lamang ni Pangulong Duterte noong 2020.

Batay sa PhilHealth Circular 2020-0014, ang sapilitang bayad-sapi ng mga OFW ay dapat nagsimula sa 2.75% ng buwanang sahod nila noong 2019 at dapat ay itinaas na sa 4% ngayong taon.

“Makikipagtulungan ako sa susunod na Secretary of Health at kay Finance Secretary Benjamin Diokno kung paano rerepormahin ang Philhealth. Sana ay kasama rin ito sa mga prayuridad ni BBM. Sisikapin ko ring makapulong ang ‘stakeholders’ para maisaayos ang Philhealth Reform Act,” ani Salceda.

Sa balangkas ng HB 7570 na panukala ni Salceda, ang maayos na koleksyon ng PhilHealth, mabisang pangangasiwa sa Reserve Fund nito, ang sistema sa pagsusuri at pamamahagi ng mga benipisyo ng sistema, at pangangasiwa sa ahensiya.

Sa ilalim ng panukalang batas, progresibo ang ‘premium contributions’ batay sa buwis nilang binabayaran.

“Sa ilalim ng dating sistema, habang lumalaki ang kita mo, bumababa naman ang premium mo kumpara sa kita. Nais naming isaayos ito,’’ paliwanag niya.

“Ang nais ko ay magbayad ng higit na malaki ang may mataas na kita at ang karaniwang mga manggagawa ang maliit lamang ang dapat bayaran, Bukod dito, dapat mabago din ang pangangasiwa ng ahensiya at maging Chairman ang Finance Secretary ng Board nito dahil ang PhilHealth ay isang ‘insurance and investment agency’ at kailangang mataas din ang kalibre ng tagapangasiwa nito gaya ng Government Service Insurance System (GSIS),” paliwanag ni Salceda.

Para maiwasan ang dayaan sa pag-ulat sa maseselang mga kaso nito, itinatalaga din sa panukalang batas ni Salceda ang pagtatatag ng ‘national health database’ ng lahat ng ‘claims’ at benipisyong kaloob nito. Sa ilalim ng HB 7570. inaatasan din ang pangulo ng PhilHealth na magsumite ng ulat sa Pangulo ng bansa at sa Kongreso kaugnay sa negatibong ‘audit findings’ sa ahensiya. RNT