Panuntunan sa blended learning ng mga pampublikong paaralan inilabas ng DepEd

Panuntunan sa blended learning ng mga pampublikong paaralan inilabas ng DepEd

November 4, 2022 @ 11:20 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inilabas nitong Huwebes, Nobyembre 3 ng Department of Education ang panuntunan para sa mga paaralang nagnanais ng exemption sa pagsasagawa ng full face-to-face classes.

Ito ay sa ilalim ng DepEd Order No. 50 series of 2022 na pinirmahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kung saan inilalatag nito ang operational guidelines sa pag-apruba ng pagpapalawig ng implementasyon ng blended learning sa mga piling pampublikong paaralan.

Sa kalatas, ang pampublikong elementarya at high school na hindi kayang magsagawa ng limang araw na in-person classes dahil sa katanggap-tanggap na dahilan ay kailangang magpasa ng request sa adoption ng blended learning modality.

Idinagdag pa ni Duterte na habang nagpapatuloy ang request ay maaari pa ring magpatupad ng blended learning modality ang naturang paaralan.

Pinapayagan din umano ang mga pampublikong paaralan na magsagawa ng full distance learning sa panahon ng krisis, kalamidad at iba pang emergency.

Idinetalye rin na ang magbibigay ng pahintulot sa isang paaralan na magsagawa ng blended learning ay ang schools division superintendent na nakaayon din sa desisyon ng regional director.

Sa pinakahuling datos ng DepEd, 53 sa 827 pampublikong paaralan sa National Capital Region ang pinayagan na magpatuloy ng blended learning.

Samantala, 94% o 774 paaralan na ang nakapagsimula ng kanilang five-day face-to-face classes sa NCR nitong Nobyembre 2. RNT/JGC