PAO Chief Persida, may mensahe kay Matet!

PAO Chief Persida, may mensahe kay Matet!

December 21, 2022 @ 9:17 AM 1 month ago


Manila, Philippines – Hindi pa kinumpirma ni PAO Chief Persida Acosta ang naglabasang balita na magkakaroon siya ng sariling TV show sa pagpasok ng year 2023. Ang kinumpirma ni PAO Chief ay may mga offer daw sa kanya ang ilang network pero wala pa siyang tinatanggap sa mga ito.

Request kasi ng kanyang mga followers ay muling ibalik ang TV show niyang Public Atorni: Asunto o Areglo dahil marami siyang natutulungan na mga kababayan natin na hindi kayang magbayad ng serbisyo ng isang abogado na nangangailangan ng legal assistance.

Sa ngayon habang wala pang TV show si Atty. Acosta ay mapapanood naman siya sa kanyang Online sa Facebook, ang Persida Acosta Legal Advice (P.A.L.A,) na may halos 1 million followers.

Makulay ang buhay ni Atty. Persida kaya naman may mga producer din na gustong isalin sa pelikula ang kanyang life story.

Sa pagbisita nga ng officers at members ng Philippine Movie Press Club (PMPC) kay PAO Chief sa kanyang opisina ay pinatotohanan ni Atty. Persida na nagkausap na sila ni Direk Carlo Caparas tungkol sa gagawing biopic niyang entitled PERSIDA. HIndi pa sila nagkausap muli ni Direk Caparas dahil sa pandemic at namalagi muna sa Cebu si Direk.

Nagkaroon na rin ng pagkakataon ang grupo para hingan ng opinion sI PAO Chief Persida sa mga issues na pinag-usapan sa social media. Tulad ng pagpapahintulot na maglagak ng piyansa si Vhong Navarro sa kanyang rape case na isinampa ni Deniece Cornejo laban sa actor/dancer.

Tanong kay Atty. Persida, kung pwede pa rin ba maibalik sa kulungan si Vhong kahit nakapag-bail na ito?

Pero tumangging magbigay ng kanyang personal opinyon si PAO Chief Acosta.

“Ayokong sagutin ‘yan, kasi subjudice (ibig sabihin ay wala pang court order decision kaya ‘di pa puwedeng pag-usapan sa publiko) `yun. Mahirap sagutin yan. Hindi natin alam, baka makapag-present ang piskalya ng malakas na ebidensiya. Puwede pa siyang ibalik sa kulungan. Ganoon yun, eh, Depende yan, eh.”

Pero pinagdiinan ni PAO Chief na galit siya sa mga rapist. Naniniwala rin siya na hindi lahat ng naaakusahan ng rape ay totoong rapist.

Sa isyu naman sa mag-inang Matet de Leon at Nora Aunor, payo ni Atty Persida kay Matet ay kausapin ng maayos ang kanyang ina. Ke ampon o anak na tunay ay walang ina ang puwedeng magalit sa kanyang anak.

Dapat ay kausapin at yakapin na lang daw ni Matet si Nora at wala nang dapat sabihin pa dahil sapat na ‘yun para kalimutan ang mga nangyaring hindi maganda sa kanilang dalawa. Gerry Ocampo