PAO Chief sinupalpal ni Digong sa ‘di pagpapabakuna vs COVID

PAO Chief sinupalpal ni Digong sa ‘di pagpapabakuna vs COVID

February 8, 2022 @ 9:19 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Sinopla ni Pangulong Rodrigo Duterte si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta ukol sa pagbabakuna sa mga bata laban sa COVID-19.

“For those who are against the vaccination of our children, including PAO chief Persida Acosta, kung ayaw mong magpabakuna, ikaw na lang. ‘Wag mo na idamay ang mga bata,” ayon sa Pangulo sa kanyang Talk to the People, Lunes nga gabi.

Sa ulat, isang petisyon ang inihain sa Quezon City Regional Trial Court na humihiling ipatigil ang pagbakuna kontra COVID-19 sa mga batang edad lima hanggang 11 taong gulang.

Kasama ang Public Attorney’s Office (PAO), inihain nina Dominic Almerol, dating ABS-CBN reporter, at Girlie Samonte ang kanilang petisyon na humihiling na ipatigil ang gagawing pagbakuna sa mga batang edad lima hanggang 11 at ideklarang labag sa Saligang Batas ang memorandum ng Department of Health (DOH) sa gagawing vaccination drive para sa naturang age group.

Sinabi kasi ni Acosta, na hindi pa bakunado ng COVID-19 vaccine, na nais ng mga magulang na ihinto ang pagbabakuna sa kanilang mga anak upang maprotektahan ang mga ito mula sa “undue experimentation.”

Nagsilbing kinatawan nina Almerol at Samonte ang tanggapan ni Acosta sa pagsasampa ng petisyon sa korte laban kina DOH Secretary Francisco Duque III, Undersecretary Maria Rosario Vergeire at sa Public Health Services Team kaugnay sa inilabas na Memorandum No. 2022-0041 noong Enero 24.

Nabatid na may pitong taong gulang na anak si Almerol habang dalawa naman kay Samonte na edad pito at siyam-anyos.

Binatikos naman ng PAO ang naging kautusan ng DOH sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umaktong magulang kung ang mga parent o guardian ng mga bata ay tatanggi o hindi papayag na mabakunahan ang kanilang mga anak na edad lima hanggang 11.

Samantala, hinikayat naman ng Chief Executive ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa virus.

“‘Yung mga bata ngayon dapat mabakunahan talaga [The children must be vaccinated] for them to survive, for they constitute the next generation of Filipinos,” ayon sa Punong Ehekutibo.

“It is very important that you bring your children to vaccination sites and have them vaccinated.” lahad ng Pangulo. Kris Jose