Papal Nuncio sa mga Filipino: Agarang paggaling ni Pope Francis ipagdasal

Papal Nuncio sa mga Filipino: Agarang paggaling ni Pope Francis ipagdasal

July 12, 2021 @ 1:04 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hiniling ng kinatawan ng Vatican sa mga Filipino ang patuloy na panalangin para sa agarang paggaling ng Santo Papa Francisco.

Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown , nanatili ang Santo Papa  sa Gemelli Hospital upang matiyak na walang kumplikasyon  makaraang operahan noong Linggo dahil sa kaniyang colon diverticulitis .

“He is recovering, thanks be to God. But I want to ask the listeners and the faithful to pray for Pope Francis. Pray for him especially in this time that he needs our prayers,” ayon kay Archbishop Brown.

Sa pinakahuling ulat ng Holy See Press office, patuloy ang pagbuti ng kalagayan ng Santo Papa kung saan pinangunahan din ang pag-usal ng Angelus sa balkonahe ng kaniyang silid sa Gemelli Hospital.

Taong 2019 nang unang maoperahan ang Santo Papa dahil sa kaniyang katarata, at ilang ulit na rin hindi nakadalo sa mga gawain sa Vatican dahil naman sa pananakit ng likod at binti dahil naman sa iniindang sciatica.

Ayon kay Archbishop Brown,  patuloy na nakatatanggap ang Santo Papa ng mensahe at panalangin mula sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa at mga religious community para sa kaniyang kagalingan at kalakasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden