Papapalawig ng limitadong F2F classes sa Pebrero oks na kay PDu30

Papapalawig ng limitadong F2F classes sa Pebrero oks na kay PDu30

January 18, 2022 @ 4:40 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon ng Department of Education (DepEd) na palawigin ang limited face-to-face (F2F) classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1 at 2 sa buwan ng Pebrero.

Ito’y matapos na ipanukala ni DepEd Secretary Leonor Briones ang “progressive expansion” sa in-person classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1 at 2 kasunod ng positive outcome ng pilot run mula Nobyembre 15 hanggang Disyembre 22, 2021.

Ang mga eskwelahan na nasa ilalim ng Alert Level 3–gaya ng Kalakhang Maynila ay hindi kasama sa expansion phase dahil sa surge ng Covid-19 infection sa nasabing lugar.

“Walang objection si Pangulo doon,” ayon kay acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlos Nograles.

Gayunpaman, sinabi ni Nograles na ang F2F classes ay papayagan lamang kung may pagsang-ayon mula sa local government units (LGUs) at consent ng mga magulang at iba pang stakeholders.

“It will be the DepEd and the [Department of Health] combined that will be assessing the expansion of pilot implementation nung (of) face-to-face classes,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi, inilarawan ni Briones ang pilot run ng limited F2F classes bilang “highly successful”, sabay sabing mayroong “high level of attendance” sa mga estudyante.

Aniya pa, may kabuuang 287 eskuwelahan at 15,000 estudyante naman ang nagpartisipa sa pilot run.

Wala namang confirmed COVID-19 cases sa mga sumali sa pilot implementation.

Para sa expanded phase, sinabi ni Briones na inirekomenda niya na tanging ang mga vaccinated teachers at non-teaching personnel lamang ang papayagan na magpartisipa.

Inirekomenda rin ng Kalihim na ang mga vaccinated students lamang ang pwedeng magpartisipa sa expansion phase.

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Pangulong Duterte na natutuwa siya sa “gradual” rollout ng pilot limited face-to-face classes.

“I’m glad that they have thought of this just dahan-dahan lang, huwag masyadong mabilis kasi just the better part of prudence,” anito. Kris Jose