Paputok tuluyan nang ipagbabawal sa panukala ng solon

Paputok tuluyan nang ipagbabawal sa panukala ng solon

November 30, 2022 @ 7:28 AM 2 months ago


Manila, Philippines – Ipinanukala ni House Committee on Local Government chairman at Valenzuela City Rep. Rex Gatchalian na tuluyan nang ipagbawal ang bentahan, distribusyon at paggamit ng mga “firecracker” o paputok at iba pang pyrotechnic devices, at patawan ng parusa ang mga lalabag.

Sa kanyang House Bill 5914 o “Firecrackers Prohibition Act”, isinusulong ni Gatchalian ang “total ban” sa mga paputok, sa hangaring mabawasan o mapigilan na ang anumang “firecracker-related injuries.”

Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Gatchalian na may mga regulasyon na ipinatutupad laban sa mga paputok.

Ayon sa datos ng Department of Health o DOH, naging epektibo naman ang ahensya sa mga kampanya nito kontra sa pagpapaputok.

Ngunit binanggit ng mambabatas na may mga kaso pa ring naitatala, at ang mga bata at “young adults” na edad 11 hanggang 30-anyos ang karaniwang nadadale ng mga ipinagbabawal na paputok tulad ng boga, 5-star at piccolo.

Ang masaklap pa aniya ay nabibiktima rin ang mga tinatawag na “passive spectators o bystanders” o yung mga nanunuod lang.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na kapag naging ganap na batas ang kanyang House Bill, may “exemptions” pa rin lalo na sa mga okasyon o pagkakataon na kailangan ng mga paputok.

Ang mga korporasyon o kumpanya ay dapat makakuha muna ng “special permit” mula sa Philippine National Police o PNP Fire and Explosive Office. At kapag may permit na, dapat itong ipakita sa kaukulang lokal na pamahalaan na siyang magpapasya na payagan ang fireworks sa “designated areas” at dapat gawin ng mga propesyunal ang fireworks display.

Nakasaad sa House Bill ni Gatchalin na kabilang sa parusa sa mga lalabag ay: 1st offense, multang P1,000 o kulong na hindi higit sa isang buwan, o pareho depende sa pasya ng korte. Sa 2nd offense, multang P3,000 o kulong na hindi higit 3-buwan o pareho; at sa 3rd offense, multang P5,000 o kulong na hindi lagpas ng 6-buwan o parehong parusa

Kapag ang lumabag ay business establishment, mananagot ang presidente o general manager; habang kakanselahin ng City Mayor o LGU ang business permit ng negosyo kapag umabot sa 3rd offense. Meliza Maluntag