Para-ahtletes bibigyan ng incentives – PSC 

Para-ahtletes bibigyan ng incentives – PSC 

August 11, 2022 @ 9:26 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Halos P12 milyong halaga ng cash incentives ang ibibigay ng gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa mga medalist ng katatapos na  11th ASEAN Para Games (APG) na ginanap sa Solo, Indonesia.

Walumpung Filipino para-athletes na sumabak sa  archery, athletics, badminton, basketball, chess, judo, powerlifting, swimming, at table tennis  sa APG ang nanalo ng kabuuang 104 medalya – 28 ginto, 30 pilak, at 46 na tanso, at sumungkit ng  ikalimang puwesto sa kabuuan sa showpiece ng 11 bansa.

Ito ang pinakamagandang performance na naitala ng bansa mula noong 2009 Games sa Kuala Lumpur, Malaysia na may 24 gold, 24 silver, at 26 bronzes.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10699 o ang Expanded National Athletes and Coaches Incentives and Benefits Act, ang mga gold, silver, at bronze medalists mula sa ASEAN Para Games ay may karapatang tumanggap ng cash incentives na nagkakahalaga ng P150,000, P75,000, at P30,000, ayon sa pagkakabanggit.

“Ipinakita ng ating mga para-athletes ang kanilang katapangan at hangarin para sa tagumpay sa APG.

Tunay na nasusuklian ang suporta ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng PSC,”  ayon kay PSC Officer-in-Charge at Executive Director Atty. Guillermo Iroy, Jr.

Si FIDE Master Sander Severino ng national para chess team, ang sumungkit ng pinakamaraming medalya sa palaro,  ay tatanggap ng P500,000 cash reward matapos manalo ng 4 na ginto at 2 pilak na medalya sa indibidwal at pangkat na kategorya.

Makakukuha ng tig-P450,000 ang para swimmers na sina Angel Otom at Ariel Joseph Alegarbes para sa kanilang medal-winning performance na tig-3 ginto.

Ang Paralympian na si Ernie Gawilan ay nakakuha ng P382,500 para sa kanyang 2 ginto, 1 pilak at 1 tanso.

“Umaasa kami na ang reward na ito ay magbibigay sa kanila ng dagdag na morale boost para patuloy na maabot ang kanilang mga pangarap.

Nagpapasalamat kami sa lahat ng ating pambansang para-atleta para sa lahat ng kanilang sakripisyo at pagmamalaki sa pagtataas ng ating bandila dito at sa kanilang mga darating na kompetisyon,” sabi ni Iroy.

Pinasasalamatan ni Deputy Chef de Mission Tricia Rana ang suporta ng PSC sa tagumpay ng koponan.

Binigyan ng PSC ang mga para-atleta ng pantay na benepisyo, allowance, at insentibo sa mga regular na atleta, na nakikita nila bilang isa sa pinakamalaking pampalakas ng moral.

“Aside from the determination of our athletes, plus nag-inspire sa kanila to give honor and to give back to what the government through the Philippine Sports Commission is giving them.Malaking tulong po talaga ang ginawa ng PSC,” ani DCDM Rana.

Inaayos na ng PSC ang courtesy call kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang plano ring isagawa ang incentives awarding.RICO NAVARRO