Para hindi na magkagulo ang estado at simbahang katolika: giyera ng pamahalaan laban sa iligal na droga, dapat nang tanggapin

Para hindi na magkagulo ang estado at simbahang katolika: giyera ng pamahalaan laban sa iligal na droga, dapat nang tanggapin

July 24, 2018 @ 3:33 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Kinakailangang kilalanin ng Simbahan at ng kritiko ng gobyernong Duterte ang laban sa iligal na droga na  ipinaglalaban ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Naniniwala si Presidential spokesperson Harry Roque na kapag hindi kinilala ito ng Simbahan at ng mga kritiko ng pamahalaan ay talagang hindi magkakaintindihan ang estado at ang simbahang katolika.

Sa ulat, umalma si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang Ulat sa Bayan na ang human rights groups at Church groups ay concerned lamang sa ‘human rights’ habang ang Pangulo ay para sa ‘human lives’.

Ang tanong ni  Bishop David ay bakit parang pinag-iiba ni Pangulong Duterte ang human lives sa human rights samantalang ang  karapatang mabuhay ay batayan ng karapatang pantao.

Ang panawagan pa ni Bishop David ay iligtas iyong buhay ng mga drug addicts, kasuhan at ikulong iyong mga pushers at ano po, suppliers ng iligal drugs.

Sinabi ni Sec. Roque na malinaw ang sinabi ng Pangulo na kaya nito inilunsad ang giyera laban sa droga ay dahil ang droga ay isang banta sa buhay ng taong bayan.

“So buhay po ang ipinaglalaban ng Presidente dahil dito sa kaniyang giyera laban sa droga at ang pananaw niya eh iyong human rights eh parang binabale-wala iyong banta sa buhay ng droga kaya pinupulaan ang kaniyang giyera sa droga,” diing pahayag nito.

Samantala, nanindigan ang isang Catholic bishop na hindi maaaring paghiwalayin ang ‘human rights’ at ‘human life’.

Ito ang sinabi ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos bilang reaksyon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).

“Hindi natin puwedeng paghiwalayin yun, we respect Human rights to Promote human life’. At ang human life, to promote it we have to preserve the rights of the people,” paliwanag pa ni Santos, na siya ring Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI),” ani Bishop Santos.

Kaugnay nito, umaasa din ang Obispo na magkakaroon na ng pag-iingat ang Administrasyong Duterte kung ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng ‘anti-drug campaign’ bilang bahagi ng programa ng pamahalaan base na rin sa tinuran nito sa kaniyang SONA.

“Kung itutuloy, dapat naman ay may pag-iingat. Be very cautious. Ituloy, pero ituloy na may pag-iingat sa buhay. At ang pag-iingat sa buhay ay paggalang sa karapatan dahil ang paggalang sa karapatan ay pagtataguyod ng buhay,” ayon pa kay Santos.

Batay sa tala, libu-libo na ang napapatay simula nang ilunsad ng administrasyong Duterte ang kanilang war on drugs. Kris Jose