Para maabot ang 2023 analog switch off target: Yen loan assistance ng Japan, sinisikap makuha ng Pilipinas

Para maabot ang 2023 analog switch off target: Yen loan assistance ng Japan, sinisikap makuha ng Pilipinas

June 22, 2018 @ 7:02 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines РSinisikap ng pamahalaan na makuha ang Yen loan assistance mula sa Japanese government para maabot ang 2023 analog switch off target na itinakda ng Department of Information and Communications Technology o DICT.

Mahalaga ang nationwide migration to digital television sa Pilipinas para sa inisyatiba ng gobyerno sa disaster emergency communication lalo pa’t pamahon na ng tag-ulan at bagyo.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa pulong ng 5th Japan-Philippines High-Level Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation sa Tokyo, Japan na sinimulan na ng Office of the Civil Defense ang pag-uusap para mabuo ang operation protocol para sa Early Warning Broadcast System o EWBS.

Maliban aniya sa EWBS, ipalalabas din ng PTV digital broadcasting ang lahat ng public information na kailangan ng mga mamamayan ng kalusugan, edukasyon at social welfare.

Binigyang diin nito na ang digital broadcasting ang isa sa pinakamahalagang imprastraktura sa buong bansa.

Iginiit din ni Secretary Andanar na napapanahon ang Digital Terrestrial Television Broadcasting o DTTB project sa hosting ng Tokyo sa 2020 Summer Paralympics kung saan makikita ang introduction ng 8K Ultra High Definition Digital Broadcasting.

Siniguro din niya na kayang makipagtulungan ng Pilipinas sa Japan sa pagpapatupad ng naturang teknolohiya.

Aabot sa 64 broadcast channels ang maibibigay ng DTTB sa gobyerno sa buong bansa na maituturing na communications legacy ni Pangulong Rodrigo Roa  Duterte kung saan 6 na digital transmitter na ang naitayo pero aabutin ng matagal ang deployment nito kung wala ang ODA mula sa Japan. (Kris Jose)