Manila, Philippines – Kulang sa panahon? Walang problema, magsagawa tayo ng marathon hearings.
Ito ang mungkahi ni Surigao del Norte Rep. Robert Barbers sa liderato ng Kamara sa harap na rin ng alegasyon na hindi kayang tapusin ang pagtalakay sa Charter Change dahil kapos na ang oras sa House of Reprsentatives na simula na ding tatalakayin ang 2019 budget sa pagbubukas ng sesyon sa susunod na linggo.
Ayon kay Barbers tunay na maraming trabaho ang Kamara ngunit kaya itong isingit at bigyang prayoridad kung babaguhin ang kanilang congressional calendar.
Panukala ni Barbers na isabay-sabay ang pagtalakay sa Cha-Cha, 2019 budget at iba pang priority bills sa loob ng 6 na araw kada-linggo.
“I propose to have Monday to Saturday sessions, three weeks in a month, straight, with 1 week break to allow the representatives to go home to their respective districts. Wala munang aalis ng bansa until December this year until we finish all these legislations,” panukala ni Barbers.
Dahil palaging prayoridad ang pagtalakay sa budget, kadalasang nasasantabi muna ang ibang mga panukalang batas, nagsisimula ang deliberasyon sa pambansang pondo pagkatapos ng SONA at tumatagal hanggang Setyembre.
Umapela din si Barbers sa mga kritiko ng Duterte Administratiom na suportahan ito sa isinusulong na pagbabago sa 1987 Constitution .
“We know very well that the 1987 Constitution is flawed; every flawed system should be reformed dahil maaaring isa ito sa mga kadahilanan kung bakit patuloy na naghihirap ang ating bansa. Ayaw nila ng Cha-cha ngayon dahil hindi partido nila ang mga naka-upo. Matagal nang dapat nabago ang Saligang Batas, ngunit maraming tutol sapagkat sarili lang nila ang kanilang iniisip,” paliwanag ni Barbers. (Gail Mendoza)