Para sa ligtas na bike lane, walkway, Safe Pathways Act sinusugan ni Bong go

Para sa ligtas na bike lane, walkway, Safe Pathways Act sinusugan ni Bong go

September 8, 2022 @ 3:32 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinusuportahan ni Senador Christopher “Bong” ang Senate Bill No. 1290, mas kilala bilang “Safe Pathways Act”, para sa pagtatalaga ng mga ligtas na bicycle lanes, walkways at slow streets sa buong bansa.

Ang nasabing panukala ay pangunahing iniakda ni Senador Pia Cayetano.

Sa kanyang co-sponsorship speech sa regular session ng Senado, sinabi ni Go, tagapangulo ng Senate committee on health, na sinusuportahan niya ang paggamit ng mga bisikleta bilang aktibong paraan ng transportasyon sa bansa hindi lamang para mabawasan ang trapiko kundi upang itaguyod din ang isang healthy at environment-friendly mode ng transportasyon.

“Sa panahon ngayon, kailangan na nating isipin paano makakatulong ang ating lifestyle sa ating kalusugan. Sa pamamagitan ng paggamit ng bisikleta, mabibigyan tayo ng pagkakataong makapag-exercise at syempre, makatulong sa ating kapaligiran,” ayon sa senador.

Idinagdag ni Go na palagi niyang hinihimok ang mga Pilipino na mag-commute sakay ng bisikleta dahil sa dahilang ito.

Namimigay rin ng mga bisikleta ang senador sa kanyang mga pagbisita sa mga residenteng apektado ng pandemya at biktima ng sunog o iba pang natural na kalamidad.

“Minsan din po namimigay po ako ng bisikleta sa kanila. Pinapaalalahanan ko na mag-ingat. Huwag po sa gitna, dahil maraming abusadong drayber,” ani Go.

Hanggang may sapat na mga pasilidad at imprastraktura upang himukin ang mga Pilipino na magbisikleta, naniniwala si Go na ang paggamit ng mga bisikleta ay isang paraan ng transportasyon na solusyon sa tumataas na halaga ng gasolina.

“Nagmamahal ang pamasahe at ang presyo ng langis, kaya naman isa sa mga solusyon talaga ang paggamit ng bisikleta. Kailangan lang may sapat na pagkakataon para sa imprastraktura upang maengganyo natin ang ating mga kababayan,” anang mambabatas.

Para naman sa mga gumagamit na ng bisikleta, patuloy siyang nagpapaalala na sundin ang mga patakaran sa trapiko para sa kanilang kaligtasan at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.

Sa kanyang talumpati, binati at pinuri ni Go si Sen. Pia Cayetano sa patuloy na pagtataguyod at pagbibigay prayoridad sa panukala.

“Naaalala ko pa po, noong 2007 nagbisikleta po si Ma’am Pia sa Davao, patawid, papunta rin ng Samal. That was 15 years ago pa po. Talagang adbokasiya na niya ang pagbibisikleta,” ani Go.

Kaya sinabi ni Go na suportado niya ang panukala at ipinahayag ang kanyang hangarin na maging isang co-author.

“Ibinibigay ko ang aking buong suporta para sa panukalang batas na ito na mag-uutos sa pagtatatag ng mga kinakailangang imprastraktura para sa paglalakad, pagbibisikleta, at iba pang non-motorized na sasakyan. Gusto ko ring itala ang aking intensyon na maging co-author ng panukalang ito,” pagtatapos ni Go.

Kamakailan lang, sinabi ni Go na sinimulan na ng Davao City ang pagmamarka ng mga bicycle lane sa mga pangunahing lansangan nito.

Ito ay bilang pagkilala sa pangangailangang isulong ang ligtas na alternatibong paraan ng transportasyon habang tinitiyak ang kaligtasan ng publiko.

“Hinihikayat namin ang iba pang LGU na sumunod sa lalong madaling panahon,” dagdag niya. RNT