Parak arestado sa anti-drug ops

Parak arestado sa anti-drug ops

February 25, 2023 @ 10:24 AM 1 month ago


COTABATO CITY—Arestado ang isang pulis at dalawa pa na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang anti-drug operation ng mga awtoridad kamakalawa sa lungsod na ito.

Kinilala ni Jocelyn Mary, ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang mga nadakip na suspek na sina Patrolman Jassim Aking, nakatalaga sa Police Regional Office BARMM, Sindatu Macmod, at Fatima Usman.

Batay sa report ng PDEA-BARMM, dakong alas-6:45 ng gabi nang madakip ang mga suspek sa San Isidro Street, Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City na pinaniniwalaan drug den.

Nakuha sa mga suspek ang hinihinalang shabu na aabot sa halagang P340,000, cellphone na ginagamit sa drug transactions at Suzuki multicab.

Sinabi pa ni Mary na isinailalim nila sa isang buwan surveillance si Aking na nagresulta sa pagkakadakip nito.

Kasalukuyan nakakulong sa PDEA detention facility ang mga suspek at inihahanda ang kasong isasampa laban sa mga ito. Mary Anne Sapico